Malabon solon, 2 pa kinasuhan sa repacking ng relief goods
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong qualified theft sa Office of the Ombudsman si Malabon Congresswoman Jaye Lacson-Noel, asawang si Florencio “Bem” Noel at ang kagawad na si Romulo “Ibot” Cruz kaugnay ng umano’y ilegal na pag-repack ng mga relief goods na nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa reklamong inihain ni Rogelio Gumba, dating tauhan ng congresswoman, tumanggap siya ng Family Food packs ng DSWD nang mabiktima ng baha sa Malabon dulot ng Bagyong Carina noong July 22, 2024.
Anya sa halip na direktang ipamigay ang food packs ng DSWD sa mamamayan ay nagsagawa muna umano ng repacking sa ayuda ng DSWD ang naturang mga akusado.
Sa complaint affidavit ni Gumba, siya ang inatasan ng tanggapan ng congresswoman na kumuha ng mga family food pack sa DSWD sa Pasay kasama ang isang driver ng kongresista.
Karamihan umano ng mga food pack ay dinala sa “white house” o headquarters ni Lacson-Noel sa Tonsuya, Malabon habang ang iba ay dinala sa mga opisina ng Brgy. Longos, Hulung Duhat at Tinajeros.
Pagdating umano ng mag-asawang Lacson-Noel sa headquarters ay nagsimula ang repacking ng mga relief good. Katulong umano si Kagawad Ibot ay nag-repack ang mga tauhan ng kongresista kung saan ang 6 kg na bigas ng DSWD ay hinati sa dalawang pakete na tag-3 kilo na lamang. Hinati-hati rin ang ilang de lata at inilagay sa plastic bags.
Anya, ang ibang ni-repack na relief goods ay ipinamahagi ng mag-asawang Noel habang ang iba pang de lata ay hindi na umano ipinamigay.
Ang mga muling na-repack na food packs mula sa DSWD ay ipinalalabas umanong tulong ng mag-asawa para sa kanilang mga constituents at hindi galing sa DSWD dahil sinasabi raw ng mga ito sa mga binibigyan na: “Konting tulong lang po mula sa amin.”
Ayon kay Gumba, maliwanag na nagkaroon ng paglabag ang mag-asawang Noel sa Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management Act of 2010. Malinaw din na nagkaroon ng Qualified Theft.
“Spouses are misleading the public into believing that the relief goods came from them and not from the source, the DSWD,” ani Gumba.
Si Cong. Jaye bilang miyembro ng House of Representatives ay otorisadong tumanggap at mamahagi ng relief packs mula sa DSWD.
Bukod sa qualified theft, paglabag sa Republic Act No. 10121, Republic Act No. 3019 at Revised Penal Code, nilabag din umano ng mag-asawang Noel at Kagawad Ibot ang RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees dahil sa naturang iregularidad.
- Latest