Red Lions kakasahan ng Generals sa Game 1
MANILA, Philippines — Kikilatisin ng defending champion San Beda University kung hanggang saan aabot ang tikas ng kanilang makakatunggaling Emilio Aguinaldo College sa pagharap nila sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinals sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Magsisimula ang banatan ng Red Lions at Generals sa alas-3 ng hapon habang magbabakbakan naman sa alas-5 ng hapon ang isang pares ng semis match na Letran Knights at Jose Rizal University Heavy Bombers.
Napahirapan ng todo ang San Beda sa huli nilang laro matapos nilang patalsikin ang University of Perpetual Help System DALTA, 73-71 sa quartefinals noong Nobyembre 16.
Pero inaasahang muling mapapalaban ang SBU laban sa EAC na mas magiging mabangis ngayon kumpara sa preliminary rounds at quarterfinals.
Ito’y dahil nakagawa ito ng history sa pagkakapasok nila sa final four matapos nilang sibakin ang College of Saint Benilde, 88-64 sa quarters.
Sinandalan ng Generals ang mainit na opensa ni Jude Bagay upang isampa ang koponan sa semis sa kauna-unahang pagkakataon sapul ng sumali sila sa liga noong 2009.
Kaya paniguradong ganadong maglaro ang EAC upang ituloy ang kanilang paggawa ng kasaysayan sa NCAA.
- Latest
















