Baste ipadedeklarang ‘hostile witness’

MANILA, Philippines — Hihilingin ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na ideklarang hostile witness si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, na una nang pinaisyuhan ng subpoena para tumestigo kaugnay ng mga kontrata ng kapatid niyang si Vice President Sara Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao.
Ayon kay private prosecutor at spokesman Benjamin “Jay” Tolosa Jr., susuriin ang testimonya ni Mayor Baste hinggil sa Gencorp Industries, kumpanyang nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara at umano’y nakipagtransaksyon sa City Hall.
“Gusto natin makita kung nagkaroon bang any dealings itong kumpanya na ito with the city government of Davao,” ani Tolosa, na nagsabing mahalaga ang magiging pahayag ni Baste sa Article II o ‘unexplained wealth’ ng Articles of Impeachment.
Giit ng prosekusyon, si Mayor Baste ay ituturing na hostile witness upang makapagtanong gamit ang leading questions. Isa siya sa mga testigong ipina-subpoena kaugnay ng pagbusisi sa SALNs, corporate records, at iba pang dokumento ng gobyerno ni VP Sara.
Dagdag ni Tolosa, nais nilang matukoy kung may transaksyon ang Gencorp sa pamahalaang lungsod sa panahon ng panunungkulan ni Baste bilang alkalde. Nakaiskedyul ang kanyang pagharap sa Setyembre 23, ngunit depende pa rin ito sa takbo ng paglilitis.
Nilinaw ni Tolosa na ipinatatawag si Mayor Baste upang magbigay-linaw sa kaso, at hindi dahil may direktang kinalaman siya sa impeachment na kinakaharap ng kanyang kapatid.
- Latest























