DepEd hihingi ng pondo sa DBM

Para sa dagdag guwardiya sa skul
MANILA, Philippines — Hihingi ang Department of Education (DepEd) sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang pondo upang makapagdagdag ng mga security guard sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nais ng DepEd na makalikha ng karagdagang plantilla positions para sa security personnel upang matugunan ang kakulangan ng mga guwardiya sa mga eskwelahan.
Ipinaliwanag ni Angara na bago pa siya maupo sa puwesto ay nagkaroon ng nationalization na nagresulta sa pagtanggal sa karamihan ng mga plantilla para sa security guards. Aniya, humigit-kumulang 200 na lamang ang natitirang plantilla positions para sa mahigit 48,000 pampublikong paaralan sa buong bansa, samantalang may mga paaralang nangangailangan ng higit sa isang guwardiya.
“Siguro kailangan natin ng pondo para sa security guards. ‘Yan ang importante. Number one priority dapat ang safety. Kahit maganda ang itinuturo natin, kung pakiramdam ng mga magulang at estudyante ay hindi sila ligtas sa eskwelahan, mahihirapan din tayo.”ani Angara.
- Latest



















