Lover ni misis, tinodas ni mister
Binoga sa ulo
MANILA, Philippines — Binaril at napatay ng isang nagseselos na mister ang isang lalaki na hinihinalang kalaguyo ng kanyang misis naganap sa Brgy. Sawang Calero, Cebu City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ng Cebu City Police, kinilala ang nasawing biktima na si alyas “Paolo”, 37-anyos na e-bike driver at residente ng lugar.
Habang ang suspek na agad naaresto ay kinilalang si Erick, 35-anyos, e-bike driver at kapitbahay ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bandang alas-9:15 ng gabi noong Huwebes ay kinompronta ng suspek ang biktima sa natuklasan nitong may relasyon ito sa kanyang misis batay sa naririnig na usap-usapan sa kanilang lugar.
Pinabulaanan umano ng biktima ang tsismis na hindi pinaniwalaan ng suspek kaya’ pinutukan nito ang una ng baril sa ulo na agad nitong ikinasawi.
Nagresponde sa lugar ang mga operatiba ng Police Station (PS) 6 at nadatnan ang nakasalampak na duguang labi ng biktima na may tama ng mga bala sa ulo.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang mga basyo ng bala ng hindi rehistradong 9 MM caliber paltik na may nakamarkang Eyo.
- Latest




















