EDITORYAL— Bumabaha ang shabu
KAMAKAILAN, nasabat sa Manila International Container Port (MICP) ang humigit-kumulang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 bilyon.
Galing Laos ang shipment, dumaan sa Vietnam at Hong Kong, at itinago sa loob ng mga kahong idineklarang cardboard.
Magandang balita ang pagkakasabat. Mas mahalaga, naging posible ito dahil sa maagang intelligence mula sa Vietnam na naipasa sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BoC) bago pa makarating sa bansa ang kargamento.
Pero hindi dapat dito nagtatapos ang operasyon.
Halos isang buwan bago ang pangyayari sa MICP, 521 kilo naman ng shabu na umano’y patungong Manila ang naharang ng mga awtoridad sa Laos. Kontrobersiya ang pagkakaharang dahil pribadong eroplano umano ang gagamitin sa pag-transport ng shabu.
Ngayon, iniimbestigahan ng PNP kung may iisang transnational drug network sa likod ng dalawang malalaking shipment ng shabu.
Tinitingnan din ang local consignee at mga corporate entity na maaaring konektado rito.
Ito ang dapat maging sentro ng anti-drug campaign: hindi lamang kung gaano karaming droga ang nakumpiska, kundi kung sino ang nag-pondo, nagpadala, nag-ayos ng ruta, tumanggap at posibleng tumulong upang makalusot ang operasyon.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi lamang maliliit na peddler ang target ng gobyerno kundi ang pinagmumulan mismo ng droga.
Tama ang direksiyong iyon, pero kailangang makita sa resulta. Dapat sundan ang money trail, imbestigahan ang logistics at front companies, at alamin kung may opisyal o insider na tumutulong sa mga sindikato.
Mahalaga rin ang tuluy-tuloy na intelligence-sharing sa mga karatig-bansa dahil malinaw na cross-border na ang galaw ng mga shipment.
Magandang indikasyon ang mas maraming nasasabat at mas mataas na presyo ng shabu dahil maaaring ibig sabihin nitong mas nahihirapang makapasok ang supply. Pero hindi pa ito sapat para sabihing tuluyan nang napahina ang mga sindikatong nasa likod nito.
Ang tunay na tagumpay ay hindi lamang malaking tambak ng nakumpiskang droga. Mas mahalaga kung tuluyang mapuputol ang pera, ruta at mga taong nagpapatakbo ng sindikato ng droga.
- Latest















