EDITORYAL - Pag-abuso sa visa-free entry, sinasamantala
KAMAKAILAN, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na posibleng nakatulong sa muling pag-usbong ng maliliit na scam hubs ang pag-abuso ng ilang dayuhan sa visa-free entry sa Pilipinas.
Ayon sa DOJ, ilan sa mga dayuhang nahuli sa mga raid, kabilang ang operasyon ng POGO sa Zamboanga Sibugay, ay nakapasok sa bansa sa ilalim ng visa-free arrangement.
Noong nakaraang Enero 2026, ibinalik ang visa-free entry para sa Chinese visitors, na nagbibigay-daan sa pananatili nang hanggang 14 days para sa tourism o business.
Nakatakda rin itong repasuhin bago matapos ang isang taon.
Dapat seryosohin ang babala, pero hindi rin dapat agad sisihin ang visa-free policy sa lahat ng scam operations.
Mismong DOJ ay nagsabing maaari lamang itong naging isang dahilan at ilan lamang sa mga nahuli ang gumamit nito.
Ang mas mahalagang tanong ngayon ay kung ano ang nangyayari pagkatapos makapasok ang isang “bisita”.
Kung lumampas na sa visa-free allowance, nagtatrabaho na sa ilegal na operasyon o lumilipat sa isang scam hub, dapat may sistema upang mas mabilis itong matukoy.
Sunud-sunod din ang pagkakadiskubre ng mga pasilidad.
Bukod sa 244 foreigners na nahuli sa Zamboanga Sibugay noong nakaraang linggo dahil sa pag-operate ng POGOs, 200 Vietnamese nationals naman ang inaresto matapos ang raid sa isang umano’y scam hub sa Olongapo kamakailan lamang. At maaaring sa mga susunod na araw, mayroon na namang mga dayuhan na maaaresto.
Ipinapakita nitong hindi sapat ang border control lamang. Kailangang bantayan ang overstaying, suspicious employment at galaw ng mga grupong nag-oorganisa ng ganitong operasyon.
At hindi rin maaaring pawang mga dayuhan lamang ang tugisin at arestuhin.
Ang malalaking scam hub ay nangangailangan ng lugar, utilities, sasakyan, dokumento at iba pang suporta. Kailangang tukuyin din ang mga lokal na kasabwat na tumutulong upang manatiling nakatago ang mga operasyon.
Ang visa-free entry ay para gawing mas madali ang lehitimong turismo at negosyo, hindi para maging madaling pasukan ng ilegal na operasyon.
Ang solusyon ay ang mas mahigpit at maigting na monitoring at enforcement, hindi simpleng pagsisi sa bawat dayuhang pumapasok sa bansa.
- Latest















