Kolektor ng pautang sa mga PUJ driver, itinumba

MANILA, Philippines — Isang 44-anyos na lalaki na kolektor ng mga pautang ng mga jeepney driver ang pinagbabarilin hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang gunman nitong Linggo sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si alyas “Lacaba”, residente ng Brgy. Apolonio Samson, QC bunsod ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni PMSgt Robert Rainer Abundo ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nangongolekta ng pautang sa mga driver ang biktima bandang alas-3:45 ng hapon sa ilalim ng footbridge sa EDSA kanto ng Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson, QC nang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ito ng malapitan saka agad na tumakas.
Nasamsam sa crime secne ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pamumuno ni PCMS Federico Manzano ang apat na basyo ng bala ng .45 kalibreng baril.
Nagsasagawa ng follow up operation ang pulisya laban sa suspek.
- Latest



















