FranSeth, napaghandaan ang kissing scenes

Nagbalik-tanaw sina Francine Diaz at Seth Fedelin sa kanilang memorable experiences sa iWant micro series na A Cake to Remember at ibinahagi nila na handa na sila sa mas challenging roles habang nananatiling maingat sa kanilang audience.
Para kay Seth, isa sa pinakamagandang alaala niya mula sa micro series ang kanyang kissing scene kay Francine. Ibinahagi niyang ilang beses na silang tinanong tungkol sa paggawa nito sa kanilang mga naunang projects, ngunit pinili nilang hintayin ang tamang kuwento at pagkakataon.
“Siguro ‘yung kiss. Ito kasi totoo pong sagot, ‘yung mga projects na ginawa namin before A Cake to Remember hinihingan kami ng—kung kaya namin gawin, kung kaya namin mag-kiss sa isang scene pero sabi namin, gusto namin ibigay ‘yung gano’ng moment siyempre sa ABS-CBN. At tsaka, nasa tamang kwento, nasa tamang palabas,” ani Seth kamakailan sa ginanap na Spotlight presscon.
Para naman kay Francine, na unang beses ding gumawa ng kissing scene sa series, naging mas meaningful ang moment dahil nangyari ito sa ABS-CBN at nabigyan ng purpose ang isang kwento.
“Hindi pa ako nagkaroon ng kissing scene ever. At saka, ‘yung mga nauna naming projects before A Cake to Remember—hinihingan talaga kami ng kiss pero gusto talaga namin ibigay sa ABS-CBN kasi siyempre sa kanila kami talaga nagmula and parang, we want to give back kahit sa maliit na way,” sabi ng young actress.
“Hinahanapan din kasi dapat ‘yun ng magandang kwento, and I think naging perfect scene siya sa series na ’to kasi micro series and parang ano bang iiwan mo sa mga manonood na tatatak sa kanila bukod sa kinilig sila at nasaktan,” dagdag niya.
Pagdating naman sa posibilidad na mapanood ang FranSeth sa mas daring na projects, bukas ang dalawa sa pagganap sa mga role na challenging sa kanila bilang mga artista, ngunit maingat pa rin sila sa kung hanggang saan nila dadalhin ang kanilang on-screen romance.
“I think kung gagamitin ‘yung word na daring, baka maging too much to describe ‘yung next step. Baka mas magiging courageous kami to take on roles na daring for us individually at nang magkasama,” paliwanag ni Seth.
Mahalaga rin para sa dalawa ang kanilang batang audience sa pagpili ng mga proyektong kanilang gagawin. Umaasa si Seth na patuloy na may mapupulot na aral ang kanilang mga manonood at binigyang-diin na ang pagiging maingat sa kanilang audience ay hindi nangangahulugang nililimitahan nila ang kanilang sarili bilang mga artista.
“Karamihan po kasi ng mga tagahanga namin is bata so gusto po namin na may mapulot pa rin na aral—kailangan po namin maging masinop sa mga pinapakita namin para kahit papaano, hindi po namin tinatanggal sa sarili namin na gumawa ng ibang mga proyekto, o maging versatile na aktor o aktres,” pagbabahagi ni Seth.
From serving kilig to major milestones, mas matamis talaga ang bawat hakbang ‘pag magkasama. Patunay ang kanilang journey sa charm ng kanilang love team – kaya naman excited na ang lahat sa kung ano ang susunod para sa kanila.
Mapapanood sina Francine Diaz at Seth Fedelin sa A Cake to Remember, na available na ngayong i-stream sa iWant.
Drug war, ending na
Mapapanood na ulit sa YouTube ang Drug War: A Conspiracy of Silence.
Maalala ngang nawala ito sa YouTube na ikinabitin ng mga sumusubaybay sa naturang serye na tumatalakay sa mga totoong mga pangyayari sa likod ng kampanya ng drug war sa bansa.
Na kahit si Direk Shugo Praico ay hindi alam kung bakit nawala ito.
Sa ngayon ay ayaw na lang nila itong pag-usapan basta ang importante ay naibalik na ito at umere na kagabi ang finale episode.
“We were pulled down, ‘yung first five episodes sa YouTube channel namin. But the thing is bumalik na siya ngayon. We worked hard para bumalik siya.
“Kasi noong nawala, we go messages from people, and wanted to know what will happen to the story, mga ganyan.
“So, alam namin naghihintay ang audience. Na heto na siya, bumalik na siya, and sa Thursday (kahapon) mapapanood na ang final episode.
“Kumpleto na siya by Thursday, buong-buo na siya!” kuwento ni Direk Shugo noong advance screening ng episode 6.
Marami ngang nag-aalala nung nawala ito, baka raw mga pulitiko sa likod ito. Kaya talagang panay ang message nila sa producer nitong Rein Entertainment.
Humingi naman sila ng paumanhin sa nangyari at itinanggi rin ang intrigang suportado ito ng kasalukuyang pamahalaan.
Anyway, umaabot na nga sa pinakamapanganib na kabanata ang paghahanap sa katotohanan ang mga eksena.
Matapos ang limang episode, na may more than two million views sa pinagsama-samang views, at ilang linggo nang usap-usapan, nasa huling kabanata na ang award-winning na limited series na Drug War: A Conspiracy of Silence na magdadala sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Kiko Agustin sa isang marahas at nakadudurog-pusong pagtatapos.
Sa ika-anim at huling episode, nagmamadaling hahanapin nina Fr. Tom Carillo (Ian Veneracion) at Yana Macabeo (Jane Oineza) ang ebidensyang hindi nahanap ni Kiko (Harvey Bautista) bago siya pumanaw.
Ngunit habang papalapit sila sa katotohanan, lalong nagiging mapanganib ang kanilang paghahanap.
Tinutugis sila ng mga pulis (Art Acuña, Ryan Eigenmann at Joem Bascon) na sangkot sa pagkamatay ni Kiko, kaya’t ang imbestigasyon ay nagiging isang malalang habulan sa mga paikut-ikot na kalye ng mga komunidad na nagsilbing digmaan laban sa droga.
Para kay Fr. Tom, ang paghahanap na ito ang rurok ng isang paglalakbay na nagsimula sa kanyang desisyong manahimik upang protektahan ang rehabilitation community na kanyang itinatag. Para naman kay Yana, inilayo siya ng imbestigasyon mula sa katiyakang dati niyang hawak.
Sa gitna ng lahat ng ito ay nananatiling buhay sa kanilang alaala si Kiko.
Maaaring ang kanyang pagkamatay ang nagpasimula ng imbestigasyon, ngunit ang mga tanong na kanyang iniwan ang humila kina Fr. Tom at Yana sa isang mas malawak na kuwento—isang kuwentong kinasasangkutan ng mga tao, institusyon at mga desisyong ginawa sa paghahanap ng katotohanan.
Matapos ang matagumpay na paglalahad ng kuwento ng Drug War: A Conspiracy of Silence, na umani ng pagkilala mula sa Asian Academy Creative Awards dahil sa husay ng pagkakagawa nito, maraming ngayon lang nakadiskubre ng mga pangyayari sa drug war.
Mapapanood na ngayon ang ika-anim at huling episode nito sa YouTube channel ng Rein Entertainment kung saan maaari ring panoorin ang mga episode 1–5 upang mabuo ang kuwentong may anim na bahagi.
- Latest
























