BEST tankers hakot ng 18 ginto sa Bangkok
MANILA, Philippines — Humakot ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) tankers ng kabuuang 18 ginto, pitong pilak at limang tansong medalya sa pagtatapos ng 3rd Asian Open Schools Invitational (AOSI) Short Course Swimming Championships sa Assumption University Aquatics Center Suvarnabhumi sa Bangkok, Thailand.
Nanguna sa kampanya ng BEST si La Salle Green Hills standout Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na nakumpleto ang matamis na six-event sweep sa boys’ 15-year division.
Tampok dito ang dalawang rekord na naitala ni Mojdeh sa 200m Individual Medley (2:12.31) at 200m breaststroke (2:26.53).
Nakasungkit din ng gintong si Mojdeh sa 200m backstroke, 200m butterfly, 100m butterfly at 200m freestyle events para sa magarbong kampanya nito.
Nakatuwang ni Mojdeh sa ratsada ng BEST si La Salle Zobel bet Therese Annika Quinto na kumana ng anim na ginto sa individual events at isang ginto sa relay sa girls’ 15-year class.
Wagi ng ginto si Quinto sa 50m freestyle, 100m freestyle, 50m backstroke, 100m backstroke, 50m butterfly at 100m IM habang bahagi ito ng girls team na naka ginto sa 4x50m freestyle relay.
Nakahirit naman ang kapwa La Salle Zobel swimmer nito na si Clara Maligat ng apat na ginto tampok ang isang bagong rekord kasama pa ang tatlong pilak.
Nakapagtala ng bagong rekord si Maligat sa 200m butterfly sa bilis na 2:31.68 habang nakaginto rin ito sa 25m butterfly, 100m butterfly at 4x50m freestyle relay.
May pilak din si Maligat sa 100m freestyle, 50m butterfly at 200m freestyle. Kumana si Athena Denise Custodio ng La Salle Zobel ng isang ginto sa 4x50m freestyle relay at isang tanso sa 200m breaststroke.
- Latest



















