Taguig Command Center nagpaliwanag sa ‘wait’ response
MANILA, Philippines — Nagpaliwanag ang Taguig City Government kaugnay ng viral na isyu sa umano’y pagkaantala ng emergency response matapos pumanaw ang isang 71-anyos na pasyente sa Maharlika Village, Taguig City noong Agosto 15.
Ayon sa Taguig Command Center, natanggap nila ang tawag mula sa 911 national hotline ngunit hindi umano naibigay ang kumpletong address ng pasyente. Lot at block number lamang umano ang naipasa, kaya nahirapan ang responders na agad matukoy ang eksaktong lokasyon.
Sinabi ng lungsod na ilang ulit humingi ng karagdagang detalye ang command center ngunit walang sumagot. Sinubukan din nilang tawagan ang numerong iniwan ng tumawag at nakipag-ugnayan sa mga barangay ng Maharlika at Upper Bicutan para makakuha ng impormasyon.
Nang magtungo ang ambulansya sa Maharlika Barangay Hall, nalaman ng mga responder na naihatid na ang pasyente sa Taguig-Pateros District Hospital gamit ang Patient Transport Vehicle ng barangay. Dumating ito sa ospital dakong alas-12:43 ng tanghali at binigyan agad ng lunas, ngunit idineklarang patay alas-1:24 ng hapon.
- Latest

















