Leviste ‘VIP’ sa sex plot vs Recto
Ikinanta ng talent manager
MANILA, Philippines — Tinukoy ng naarestong talent manager na si alyas “Ken” na si Batangas Rep. Leandro Leviste ang “VIP” na nasa likod ng operasyon sa sex plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Sa panayam ng DZRH, sinabi ni Ken na dalawang abogado na nagpakilalang kinatawan umano ni Leviste ang naghanda ng mga affidavit at script para sa apat na aktres na umano’y mag-aakusa sa opisyal.
Kailangan munang repasuhin ang mga pahayag ng mga babae bago ituloy ang plano. Iginiit din niya na si dating kongresista Jacinto Paras ang nagsilbing coordinator ng operasyon at paulit-ulit na tinutukoy si Leviste bilang “VIP”. Nakatakda pa raw silang harapin ng “VIP” bago isagawa ang sex scandal.
Bagama’t tinanggihan na niya ang alok dahil sa posisyon ni Recto, nagtiwala pa rin siya kay Paras dahil sa kanilang pagkakaibigan. Nagduda siya nang hindi naibigay ang ipinangakong bayad. Aniya, napagkasunduan umano na 30 porsiyento ng kabayaran ang ilalabas matapos mailabas sa publiko ang mga sinumpaang salaysay at karagdagang 40 porsiyento kapag naihain na ang reklamo sa piskalya.
Inihayag din ni Ken na ilang linggong naantala ang operasyon habang nasa ibang bansa si Paras. Sinabi rin niyang nagpadala siya ng babala sa isang miyembro ng staff ni Recto tungkol sa umano’y planong sirain ang reputasyon ng Executive Secretary, ngunit wala umano siyang natanggap na tugon.
Ayon kay Ken, nakatakda sanang isagawa ang operasyon noong Agosto 3, ngunit nabigo ito matapos magsagawa ng entrapment operation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang hotel sa Malate, Maynila, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa kasong human trafficking.
- Latest






















