Best Opposite Spiker si Solomon sa SEA V Cup
MANILA, Philippines — Muling hinirang si Alas Pilipinas standout Alyssa Solomon bilang Best Opposite Spiker sa katatapos lamang na 6th Southeast Asia V Cup Women’s Volleyball Week 1 sa Hanoi, Vietnam.
Ito ang ikatlong Best Opposite Spiker trophy ng 6-foot-2 na si Solomon matapos makamit ito sa Leg 2 ng 2023 edition at sa Leg 2 ng 2024 edition.
Ang dating National University Lady Bulldogs star spiker ang natatanging player na nagwagi ng tatlong Best Opposite Spiker award sa seven-year history ng SEA V Cup bukod kay Nguyen Thi Bích Tuyen ng Vietnam.
May dalawang Best Middle Blocker trophy naman si Alas Pilipinas standout Majoy Baron sa Legs 1 at 2 ng inaugural edition ng torneo noong 2019.
Humataw si Solomon ng 13 points sa 20-25, 19-25, 22-25, 16-25 pagyukod ng mga Pinay spikers laban sa Indonesia sa agawan sa bronze medal noong Linggo sa Dong Anh Gymnasium sa Hanoi.
Nauna nang naglista si Solomon ng 13 markers sa 25-17, 19-25, 25-23, 18-25, 15-10 kabiguan ng Alas Women sa Thailand.
Umiskor naman si Solomon ng 12 points sa 27-29, 17-25, 25-20, 18-25 pagsuko ng Nationals sa Vietnam sa una nilang laro sa Week 1 ng SEA V Cup.
Mula sa Vietnam ay bibiyahe ang Alas Women ni Japanese coach Taka Minowa sa Chiang Mai, Thailand para sa SEA V Cup Week 2 na hahataw sa Agosto 7 hanggang 9.
Ang SEA V Cup ay bahagi ng paghahanda ng Nationals para sa darating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
- Latest























