Trader arestado sa pekeng luxury watch
MANILA, Philippines — Binitbit ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang 55-anyos na negosyante kaugnay ng umano’y pagbebenta ng pekeng luxury wristwatch na nagkakahalaga ng P600,000.
Madaling araw nitong Huwebes, Hulyo 9 nang arestuhin ang suspek sa loob ng isang casino complex sa Pasay City matapos magreklamo ang isang negosyante na umano’y nabentahan ng relo.
Batay sa paunang imbestigasyon, inalok umano ng suspek ang biktima na bilhin ang relo bilang investment at sinabihang maibebenta ito sa mas mataas na halaga dahil authentic na high-end timepiece. Gayunman, nang ipasuri ang naturang relo, napag-alamang umano’y peke ito.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Southern Police District at inaresto ang suspek. Narekober din ng mga awtoridad ang umano’y pekeng relo na sasailalim sa dokumentasyon at ipiprisinta bilang ebidensya sa kaso.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o estafa through false pretenses o fraudulent representation. Inihahanda na ang paghahain ng kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest



















