USA pinasuko ang Czechia sa 3 sets

MANILA, Philippines — Patuloy na nagliliyab ang laro ng United States of America matapos nitong pasukuin ang Czech Republic, 25-17, 25-12, 25-16 sa Philippine Leg ng Volleyball Nations League (VNL) women’s week 2 na nilaro sa PhilSports Arena sa Pasig City kahapon.
Bago lumaro sa Philippine Leg ang American netters ay galing na sila sa two-game winning streak at nakapagtala na sila ng dalawang sunod na panalo sa Manila matches.
Kinapitan ng USA sa depensa si Chiaka Ogbogu, nakapagtala ito ng anim sa 12 blocks ng koponan para sa kabuuang 11 points sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Lumiyab sa opensa si Jordan Thompson sa nilistang 15 points mula sa 14 attacks at isang block para sa USA na may 5-1 karta, kumana naman si Logan Eggleston ng 11 markers kasama ang siyam na kills at dalawang service aces.
Hindi pa natatalo ang USA kahit isang set sa dalawang laro nila sa Philippine Leg ito’y dahil sa tindi ng kanilang depensa at atake.
Walang naka double figures sa points ang Czechia, umiskor lamang si Magdalena Jehlarova ng eight markers, wala pa rin silang naipapanalo sa Philippine Leg sa dalawang salang at may baraha silang 3-3.
Gagamitin naman ng USA ang isang araw na pahinga nila upang paghandaan ang laban nila bukas kontra defending champion Italy.
- Latest





















