3 intel agents ng Army todas sa ambush!
MANILA, Philippines — Tatlong intelligence agents ng Philippine Army ang patay matapos tambangan at tadtarin ng bala ang kanilang sinasakyang van ng armadong grupo sa Barangay Baimbing sa Lamitan City, Basilan nitong Lunes ng hapon.
Ang tatlong nasawi na ‘di pa pinangalanan ay pawang kasapi ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na nakabase sa lungsod ng Zamboanga.
Sa mga inisyal na ulat ng Lamitan City Police Station at Basilan Provincial Police Office nitong gabi Martes, sakay ng isang Hi-Ace van ang mga biktima na mga kasapi isang Army unit sa Basilan ng sila ay pagbabarilin ng assault rifles ng mga armadong nakaabang sa kanila sa Barangay Baimbing.
Kinumpirma ni Army Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, at ng provincial police director ng Basilan, si Col. Cerrazid Umabong na tatlong Army intelligence personnel and nasawi sa naturang pananambang.
Agad na namatay ang mga biktima sa mga tama ng bala, ayon sa ulat ng mga opisyal ng pulisya sa tanggapan ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
May intelligence mission diumano ang tatlong napaslang na sundalo sa isang lugar sa Basilan nang sila ay ma-ambush.
- Latest