^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Anti-epal provision, balak alisin sa budget ng DSWD

Pilipino Star Ngayon

SA Senate deliberations noong Nobyembre 25 hinggil sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na may ilang mambabatas ang nagtatangkang alisin ang anti-epal provision sa panukalang pambansang budget para sa 2027.

Isa ang naturang probisyon sa magagandang repormang ipinatupad sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Ipinagbabawal nito ang pagpapaskil ng pa­ngalan at mukha ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga proyekto at programang pinondohan ng taumbayan, kabilang na ang pamamahagi ng ayuda.

Bakit nais pang alisin ng ilang mambabatas ang isang probisyong naglalayong pigilan ang paggamit ng pondo ng bayan para sa pansari­ling interes sa pulitika?

Lalo itong nakababahala ngayong papalapit na ang 2028 national elections.

Samantala, kinuwestiyon din ni Bagong Hene­rasyon party-list Rep. Robert Nazal ang laki ng pondong nakalaan sa iba’t ibang programa ng ayuda sa panukalang P7.2-trilyong budget para sa susunod na taon.

Tinatayang nasa P600 bilyon umano ang kabu­uang pondong inilaan para sa mga programang ito. Kabilang sa mga programang tinukoy ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), TUPAD at medical assistance para sa mahihirap na pasyente.

Hindi naman masama ang pagbibigay ng ayuda, lalo na sa mga kababayang nangangaila­ngan. Ang problema ay kapag nagagamit ito ng mga pulitiko upang magpalakas sa kanilang mga botante.

Dapat ipaubaya sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda batay sa pangangailangan ng mga benepis­yaryo­ at hindi sa kagustuhan o rekomendasyon ng mga pulitiko.

Higit din sanang pagtuunan ng pansin ang paglalaan ng pondo sa mga programang makapagbibigay ng permanenteng trabaho at pangmatagalang kabuhayan upang hindi habam­buhay na umasa sa ayuda ang mga mama­mayan.

Sa nalalapit na bicameral conference hinggil­ sa pambansang budget, dapat manindigan ang mga mambabatas na nagsusulong ng reporma. Hindi dapat hayaang maibalik ang mga probis­yong nagbibigay-daan sa iba’t ibang anyo ng pork barrel at pamumulitika.

Kailangang maunawaan ng bawat Pilipino na ang ayudang kanilang natatanggap at mga proyektong kanilang napakikinabangan ay hindi regalo mula sa mga pulitiko. Hindi dapat tumanaw ng utang na loob ang taumbayan sa mga puli­tiko dahil lamang sa paggastos ng perang nag­mula rin naman sa kanilang mga buwis.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with