5 ‘Gapos Gang’ todas sa Cavite shootout!
Natunugang may papasuking subdibisyon
CAVITE, Philippines — Limang hinihinalang miyembro ng kilabot na “Gapos Gang” ang kumpirmadong patay matapos na makaengkwentro ng mga pulis nang matunugan na may papasukin silang subdibisyon sa Molino 3, Bacoor City, kahapon ng hapon.
Ayon kay Cavite Provincial Police Office Director PCol. Ariel Red, limang suspek kabilang ang isang pulis na AWOL (absent without official leave) ang nasawi sa palitan ng putok sa ikinasang operasyon ng pulisya na pinamunuan msimo ni Bacoor City Police Chief PLt. Col. Alexie Desamito.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni Col. Red na plano ng nasabing robbery group na magsagawa umano ng “akyat-bahay” sa isang exclusive subdivision sa kahabaan ng Molino Boulevard nang mamataan ng mga awtoridad.
Dahil dito, biglang nagkaroon ng habulan nang magtangkang tumakas ang mga suspek sakay ng kotse, at nagkaroon umaatikabong palitan ng putok alas-4 ng hapon nitong Martes.
Sa kasagsagan ng running gun battle, nalaglag ang isa sa mga suspek sa sasakyan at napuruhan sa barilan.
Sumirko naman hanggang sa tumaob ang kanilang get away vehicle ng mga suspek sa highway nang bumangga sa mga concrete barrier sa bilis ng kanilang patakbo sanhi upang makorner na sila at dalawa sa sakay nito ang napatay sa barilan.
Dalawa pang kasamahan ng mga suspek na tumakas at nagtangkang mag-agaw ng motorsiklo ang naabutan at napaslang sa barilan ng mga humahabol na pulis.
Ayon sa pulisya, dalawa sa mga suspek ay kasama sa nanloob sa kilalang jewelry shop sa General Mariano Alvarez, Cavite at ang isa ay AWOL na pulis.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na iniuugnay rin sa mga naganap na nakawan sa mga jewelry at pawnshops sa probinsya at ilang karatig lugar.
- Latest

















