3 bakasyonista, nilamon ng dagat

Sta. Magdalena, Sorsogon, Philippines — Trahedya ang sinapit ng tatlong kataong bakasyonista mula sa Metro Manila matapos tangayin ng naglalakihang alon sa harap ng Marahay Beach Resort, sa Brgy. San Rafael, Sta. Magdalena, Sorsogon noong Miyerkules ng umaga.
Magtatanghali bago natagpuan sa ilalim ng dagat ang dalawang bangkay na kinilalang si Eduardo, 36-anyos, at Irene, 26-anyos; habang patuloy na hinahanap kahapon ng mga responders ang isa pa nilang kasamahang lalaki na hindi muna pinangalanan, pawang residente umano ng Las Piñas, City.
Sa ulat, dakong alas-9 ng umaga kasama ang iba pang indibidwal ay nag-swimming ang tatlo sa dagat. Gayunman, ilang sandali lang ay nagkagulo na sa beach resort makaraang tangayin ang tatlo nang malalakas na alon at biglang lumubog dahil sa pinaniniwalaang malakas ang agos sa ilalim ng karagatan.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, MDRRMO at Sta. Magdalena Police at inilunsad ang search and rescue operation sa tatlo.
Makaraan ang ilang oras ay isa-isang natagpuan ang dalawa na kapwa isinugod sa Matnog Medicare Hospital, pero kapwa ideneklarang dead-on-arrival.
Patuloy na pinaghahanap ang isa pa.
- Latest





















