^

True Confessions

La Viuda (17)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

NAGKAROON ng kasunduan sina Kristina at Ernesto na magtutulungan sila na matuklasan ang sikreto na itinatago sa ilalim ng mausuleo. Sa loob-loob ni Krisitina, alam niyang hindi dapat niya pagkatiwalaan at makipagkasundo sa isang lalaki na tulad ni Ernesto pero wala siyang magagawa kundi gawin ito kung gusto niyang mailigtas ang lalaking nakakadena na bumibisita sa kanya gabi-gabi.

Matapos magkasundo, ang una nilang ginawa ay subukan na angatin ang bakal na pinto sa sahig ng mausoleo, ngunit wala itong susian o hawakang puwedeng hatakin. Nakalapat ito nang buo sa marmol na parang trapdoor na sa ilalim lamang nabubuksan.

“Sino ba talaga ang nakikipagkita sa’yo rito?” pa­bulong na tanong ni Ernesto. “Si Emilio ba talaga ‘yon?”

Umiling si Kristina “Hindi ko alam, kaya nga nakiki­pagsapalaran akong maki­pagtulungan sa’yo para malaman kung anong nasa ilalim niyan.”

Hindi na nagtanong si Ernesto kay Kristina.

KINAUMAGAHAN, habang abala si Doña Presentacion sa hardin kasama si Mang Teban, mabilis na ginamit ni Ernesto ang kanyang ninakaw na susi upang buksan ang opisina ng ina sa ikalawang palapag ng mansiyon. Sa labas ng opisina, nakatayo si Kristina sa may pinto bilang lookout kung may paparating.

Mabilis na hinalughog ni Ernesto ang mga drawer sa desk. Sa ilalim ng mga lumang dokumento ng lupa, nakakita sila ng isang dilaw na papel, isang blueprint ng underground tunnel ng buong hacienda. Babasahin pa sana ni Ernesto ang iba pang mga papeles pero kumatok ng tatlong beses si Kristina mula sa labas ng pinto. Ito ang kanilang signal kapag may papalapit sa silid. Umalingawngaw ang mabilis at mabibigat na yabag ng sapatos sa hallway. May papalapit sa opisina!

Tinupi ni Ernesto ang mapa at mga papeles at mabilis na isinilid sa kanyang bulsa. Pagkalabas niya, nagulat siya na hindi na mag-isa si Kristina sa labas ng pinto. Naroon na rin si Natasha. Takang-taka ang mukha nito sa presensiya nilang dalawa. Para hindi maghinala, nagpanggap si Ernesto na nagulat kung bakit naroon si Kristina.

“Kristina, ano ang ginagawa mo rito sa labas ng opisina ni mama? Sinusundan mo ba ako?”

Nagulat si Kristina sa sinabi ni Ernesto pero agad din namang nakuha nito na umaarte lang ang la­laki kaya pabalang niyang sinagot.

“Hindi ba’t ikaw dapat kong tanungin kung bakit ka nandiyan samantalang walang kahit sino ang maaaring pumasok sa silid na iyan maliban kay Donya Presentacion?” pangunguwestiyon ni Kristina habang nakapamaywang.

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with