La Viuda (12)

Kinaumagahan sa hapag-kainan, nagulat ang lahat nang pumasok si Ernesto na pilipit ang lakad at hawak-hawak ang balikat.

“Hijo, ano’ng nangyari sa iyo?” malamig na tanong ni Doña Presentacion habang humihigop ng kape.

Sumulyap si Ernesto kay Kristina bago sumagot. “Nag­lakad-lakad ako kagabi sa hardin, Mama. Natapilok ako sa malaking ugat ng puno at nahulog sa halamanan.”

“Mag-ingat ka sa susunod” nag-aalalang paalala ni Kristina. Awang-awa ito sa hitsura ng binata.

Sa halip na hamakin at pa-pilosopong sumagot si Ernesto kay Kristina tulad ng dati, dahan-dahan niyang inabot ang plato ng prutas at inihain ito sa tapat ng dalaga.

“Kumain ka nang marami, Kristina,” malambing nitong wika na may kasamang kakaibang ngiti. “Pangit sa bagong kasal ang pumapayat.”

Nagkatinginan sina Doña Presentacion at Natasha sa labis na pagtataka. Napayuko naman si Kristina, lihim na nanginginig ang dibdib, dahil ang naramdaman niya sa pagtitig sa kanya ni Ernesto ay parehas ng naramdaman niya kagabi habang siya ay nagpapalit ng damit.

Bago magtanghalian, nagpapahinga si Kristina sa azotea habang nagbabasa ng mga imported na magazine.

Dahil hindi natutuwa si Natasha sa pre­sensya ni Kristina, hindi nito napi­gilan mag­parinig habang nakatitig kay Kristina. “Kris­tina, hindi ba dapat ay tinutulungan mo sina Manang Rita sa kusina? O bakit hindi kaya doon ka muna sa musuleyo?”

Bago pa man makayuko si Kristina sa hiya, mabilis na sumingit si Ernesto habang umiinom ng kape. “Bakit ka pa ba naririto sa hacienda, Natasha? May asawa na si Emilio, at malinaw na hindi ikaw iyon.”

Namula sa galit si Natasha at padabog na umalis. Naiiwan namang nakatitig si Doña Presentacion sa kanyang binatang anak, nagtataka sa biglang pagtatanggol nito sa dalaga.

Nang maiwan silang dalawa, lumapit si Kristina kay Ernest. “Salamat. Pero sana ay hindi mo na ako pinagtanggol. Baka lalo pang magkaroon ng gulo dito sa mansyon.”

“Huwag mo na lang pansinin iyon. Kamusta nga pala ang tulog mo kagabi? Masarap ba? Hindi ka ba natatakot mag-isa doon?” tanong nito habang nakangisi na parang aso.

“Bakit naman ako mat­atakot?”

“Sabi kasi ng yaya ko dati. ‘Yang musuleyo na tinutuluyan mo sa gabi ay konektado sa sementeryo sa kabilang ibayo gamit ang underground passage. ‘Yung mga trabahador at sepulturero raw noon, doon dumaraan kapag may tra­baho sila sa musuleyo namin.”

Dinala ni Kristina ang mga salitang iyon sa kanyang ika-apat na gabi sa mausoleo. Habang naghihintay sa kadili­man ng unang palapag, ininspeksyon ni Kristina ang paligid ng kabaong na sa­lamin ni Emilio. Sa likod ng isang mabigat na pedestal ng bu­laklak, nahanap ng kanyang mga daliri ang isang ma­lapad na parisukat na bakal sa sahig. Ibang-iba ito sa ma­kintab na sahig na marmol.

Nang kinatok niya ito, hung­kag ang tunog nito. Hala­tang may nilalaman ito na malalim na lagusan.

(Itutuloy)

Show comments