Apoy sa Balsa (81)
AGAD nagprotesta si Kael matapos siyang utusan na magpanggap na boyfriend ni Winona. “Gagamitin n’yo ako para linisin ang pangalan niya? Gaano tayo kasigurado na mawawala ang galit ng tao sa kanya kapag nagpanggap akong boyfriend niya?” tanong ni Kael na may matinding diin sa boses.
Sumang-ayon at sumabat na rin si Rhea bilang creative director ng agency “Paano kung magalit din sila kay Kael at madamay ang clothing brand dahil halatang diversionary tactics ito? Matatalino na ang mga netizens at consumers ngayon, hindi na sila uto-uto”
“Wala tayong ibang pagpipilian!” sigaw ng talent manager na si Frank. “Si Winona ang loveteam mo. Kapag lumubog siya, madadamay ang career mo. Kailangan mong maging tagapagligtas niya.”
Sa gitna ng pressure ng mga manager, nanatiling tahimik si Rhea. Nakataya ang lahat sa presscon ang career ni Kael at Winona at ang kanilang love life.
***
ILANG minuto na lamang bago ang presscon, nababalot nang matinding kaba ang holding room. Sa labas ng pintuan, naririnig ang ingay ng mga reporter at fans na nag-aabang sa statement na ilalabas ng “WiKael.”
Sa loob, nakaupo si Winona sa harap ng vanity mirror, nanginginig ang mga kamay at mugto ang mga mata. Wala na ang kanyang karaniwang yabang at katarayan. Kapalan man ng glam team ang kanyang makeup, halata pa rin ang takot sa kanyang mukha.
Nang matapos ayusan, nilapitan niya si Kael na nakatayo sa tabi ng bintana.
“Kael, favor naman...” pabulong at halos maiyak na pakiusap ni Winona habang hawak ang braso ng binata. “Mawawala ang lahat sa akin kapag hindi mo ginawa ‘to. Ikaw lang ang makapagliligtas sa career ko. Sabihin mo sa press na tayo na, kahit ngayong gabi lang.”
Tumingin si Kael sa kanya, puno ng awa ngunit may matatag na paninindigan. Sa kabilang dulo ng silid, nakatayo si Rhea habang inaayos ang lapel mic para sa binata. Nagkatitigan silang dalawa sa salamin.
Walang boses na binitawan si Rhea, ngunit sa kanyang tahimik na titig, ipinarating niya ang buong tiwala sa lalaking kanyang minamahal. Alam ni Rhea na nasa kamay ni Kael ang desisyon, ang maging kasangkapan ng isang kasinungalingan, o ang panindigan ang katotohanan sa harap ng buong bansa. (Itutuloy)
- Latest
















