^

True Confessions

Apoy sa Balsa (78)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

MATAPOS ang naudlot na sunset shoot, napuno ng bulong-bulungan ang buong crew habang nag-liligpit ng mga ilaw at camera sa dalampasigan.

Hindi pinalampas ni Kael ang pagkakataon. Habang abala ang karamihan sa pag-aayos ng mga gamit, dahan-dahan siyang humiwalay sa kanyang glam team at sinundan si Rhea na mag-isang naglalakad patungo sa kuwarto ng resort.

“Rhea, puwedeng mag-usap tayo?” sabi ni Kael nang marating nila ang bakanteng pasilyo malapit sa storage room ng resort.

Lumingon si Rhea, pilit umiiwas. “Kael, baka may ma­kakita sa atin.”

“Bakit ka ba umiiwas?” tanong ni Kael na ang mga mata ay puno ng matinding pagtataka at pait. “Kanina sa shoot, bakit ka umalis sa monitor? Alam mong sa ‘yo ako humuhugot ng lakas ng loob para maitawid ang mga eksenang ‘yun. Bakit bigla kang tumalikod?”

Ipinikit ni Rhea ang mga mata, pilit na pinipigilan ang paninikip ng dibdib. Ayaw niyang sabihin. Ayaw niyang idagdag ang bigat na ito habang nasa gitna sila ng milyun-milyong ad campaign.

“Rhea, naman,” mas mahinang bulong ni Kael, lumapit ng isang hakbang at inabot ang kamay ng dalaga. “Ipadama mo naman sa akin na magkasama tayo rito. Bakit pakiramdam ko, itinataboy mo ako?”

Sa sandaling iyon, bumigay ang pader ni Rhea. Tumingin siya kay Kael at pabulong na isiniwalat ang lahat.

“Dahil nakita tayo ni Darcy kaninang umaga sa palengke!” pabulong ngunit mabilis na sabi ni Rhea, nangi­nginig ang boses. “Pinagbantaan niya ako, Kael. Alam niya ang tungkol sa atin. Binabantayan niya ang bawat galaw ng mga mata mo tuwing matatapos ang take n’yo ni Winona.”

Natigilan si Kael. Unti-unting pinalitan nang matinding galit ang kanyang pagtataka, galit hindi kay Rhea, kundi sa kanyang sarili dahil pina­labas niyang kailangang mag-isa ang dalaga sa pagpasan ng takot na ito.

Huminga nang malalim si Kael at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Rhea.

“Hindi ka na mag-isa, Rhea,” May paninindigan sa boses ni Kael. “Hinding-hindi ko hahayaang ikaw lang ang magsakripisyo para protektahan ako. Kung akala ni Darcy ay matata­kot tayo sa kanya, nagkakamali siya.”

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with