Apoy sa Balsa (77)
DUMATING ang oras para sa pinakahihintay na sunset layout. Kulay ginto at kahel ang buong kalangitan ng San Vicencio. Ito ang pinaka-kritikal na bahagi ng shoot kung saan kailangang makuha ang pinakamainit at pinakamagandang kuha ng tambalang “WiKael”.
Bago pa man mag-roll ang camera, nagdesisyon na si Rhea. Alam niyang bawat sulyap at bawat palitan nila ng tingin ni Kael ay binabantayan ni Darcy mula sa ilalim ng vanity tent. Kapag patuloy siyang tatayo sa tabi ng main monitor, magbibigay lang siya ng sandata sa assistant para tuluyang sirain sila ni Kael.
Inabot ni Rhea ang kanyang clipboard sa kanyang Assistant Director. “Megan, ikaw muna ang humawak ng monitor sa layout na ‘to. Titingnan ko lang ang mga props at lighting setup sa kabilang dulo ng set.”
“Po? Pero Ma’am Rhea, kayo po ang—”
“I’m trusting you with this, Megan,” pinal na utos ni Rhea bago mabilis na tumalikod at naglakad palayo sa main set.
Pumuwesto si Kael at si Winona sa tabi ng dalampasigan. Nagsimulang umikot ang mga camera. Inilagay ni Winona ang mga braso sa leeg ni Kael, habang ang lalaki naman ay inatasang humawak sa baywang ng aktres at titigan ito nang may matinding pagnanasa.
Ngunit nang sumigaw ang photographer ang “Look at her with passion, Kael!”, awtomatikong humahanap ang mga mata ng binata sa gilid ng monitor, kung saan palaging nakatayo si Rhea upang magbigay ng kumpas at lakas ng loob.
Wala roon si Rhea. Sa halip, nakita ni Kael ang dalaga na nakatayo malayo sa set, nakatalikod, at nakikipag-usap sa mga lighting staff.
Sari-saring kaba at gulo ang dumaan sa isip ni Kael. Bakit biglang lumayo si Rhea? May nangyari ba? Nakaapekto ang kanyang pag-aalinlangan sa kanyang pag-project, naging stiff at walang buhay ang kanyang postura, at nawala ang kuryente sa kanyang mga mata.
“CUT!” sigaw ng photographer, halatang naiinis. “Kael, what happened? Nawala ‘yung emosyon mo! You look like you’re looking at a stranger!”
Sa malayo, hindi man nakatingin si Rhea, ramdam niya ang panlalamig ng hangin sa dalampasigan. Alam niyang nasasaktan at naguguluhan si Kael sa kanyang biglaang paglayo, ngunit sa gitna ng mga matang nag-aabang, ang pagtitiis na ito ang tanging paraan upang protektahan ang kanilang pag-ibig. Itutuloy
- Latest















