Apoy sa Balsa (73)
MALAMIG pa ang hangin at bahagya pa lamang sumisilip ang araw sa San Vicencio nang lumabas si Rhea mula sa kaniyang silid sa resort. Nagpasya siyang maglakad-lakad patungo sa maliit na palengke malapit sa ilog upang payapain ang kanyang isip bago magsimula ang maghapong shooting ng ad campaign.
Habang tinititigan niya ang mga bangkang pangingisda na dahan-dahang dumadaong, isang pamilyar na anino ang lumapit sa kanya.
Naka-simpleng white shirt, maong shorts, at nakatagilid na baseball cap si Kael. Hawak nito ang dalawang kakanin na nakabalot na dahon ng saging na umuusok pa sa init.
“Mainit pa ‘to,” nakangiting bati ni Kael habang inilalapit ang pagkain sa kanya. “Binili ko ‘yan sa tindahan ni Aling Nena. Dito ako bumibili ng almusal bago ako pumasok sa eskuwela noong high school.”
Napangiti si Rhea habang kinukuha ang isa. “Hindi ka ba natatakot na makilala ka rito? Baka dagsain ka ng mga tao bago pa magsimula ang photoshoot.”
Natawa nang mahina si Kael at umupo sa tabi ni Rhea. “Kilala ako ng mga tao rito hindi bilang model sa billboard, kundi bilang si Kael na bangkero. Dito sa San Vicencio, tahimik lang ang lahat.”
Sumubo si Rhea ng mainit na kakanin. Sa gitna ng simpleng almusal at tunog ng alon, panandaliang nawala ang bigat sa kaniyang dibdib. Sa San Vicencio, sa lugar kung saan walang mga ilaw ng camera at utos ng mga manager, si Kael pa rin ang simpleng lalaking kilala at minamahal niya.
Habang tahimik silang kumakain, napansin ni Rhea na may nanonood na pala sa kanila. Ito ay ang assistant at makeup artist ni Winona na si Darcy.
(Itutuloy)
- Latest




















