EDITORYAL - Matibay na security protocols sa mga paaralan
SA harap ng sunud-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan, tama lamang na seryosohin ng gobyerno ang school safety upang mapangalagaan ang mga mag-aaral.
Nagtakda ang Department of Education ng nationwide safety drill sa Agosto 25 para ihanda ang mga estudyante, guro, at staff sa posibleng “active attack” sa campus.
Pero may mahalagang babala mula sa Philippine Psychiatric Association at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry: ang paghahanda ay hindi dapat maging sanhi mismo ng trauma.
Ayon sa kanilang joint position, dapat ipagpaliban ang mga hyper-realistic live shooter simulation dahil kulang ang ebidensiyang nakatutulong ang ganitong high-intensity drills, habang may mga pag-aaral na nag-uugnay nito sa pagtaas ng stress at anxiety sa mga bata.
Sa halip, inirerekomenda nila ang tabletop exercises, controlled entry points, perimeter security, advance notice, at pakikilahok ng guidance counselors at mental-health professionals.
Ang layunin ng safety drill ay turuan ang bata kung paano kikilos sa emergency, hindi iparamdam sa kanila na anumang oras ay maaaring magkaroon ng totoong pamamaril sa classroom.
Hindi rin dapat sa drill lang umiikot ang usapan. Kailangang tingnan ang mas malawak na sistema: mental-health concerns, access sa armas, online networks na maaaring mag-normalize ng karahasan, at mas matibay na security protocols.
Ibig sabihin, ang tunay na school safety ay prevention muna bago simulation. Kailangan nang maayos na locks at entry points, sapat na counselors, malinaw na reporting system, trained personnel, at mabilis na communication kapag may banta.
Hindi masama ang paghahanda. Ang masama ay kung sa kagustuhang ihanda ang mga bata sa panganib, tayo rin ang magtuturo sa kanila na matakot sa mismong lugar na dapat nilang maramdaman na ligtas sila.
Maghanda tayo, oo. Pero gawin itong trauma-informed, evidence-based, at angkop sa edad.
Dahil ang paaralan ay dapat lugar ng pagkatuto at seguridad, hindi rehearsal ng aksidente at kapahamakan. Nararapat na seryoso ang pagpapatupad ng mga may kinalaman sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro. Hindi na dapat maulit ang mga karahasan na nagdulot ng takot hindi lamang sa mga mag-aaral at guro kundi pati sa mga magulang.
- Latest
















