Apoy sa Balsa (64)
ALAS-NUWEBE ng gabi nang makarinig si Rhea ng tatlong mahihinang katok sa pinto. Pagbukas niya, nakatayo si Kael sa hallway. Bakas sa mukha ang labis na pag-aalala habang hawak ang isang folder ng script.
“Rhea,” bungad ni Kael habang pumapasok sa loob. “Ipinadala na sa akin ‘yung script para sa TV commercial. Nabasa ko na… sobrang romantic. Ang daming titigan at intimate blocking. Puwede mo ba akong tulungang mag-practice? Baka kasi mautal ako bukas sa set o kaya hindi ko alam kung paano iiwasan si Winona kapag masyado na siyang malapit.”
Tahimik na isinara ni Rhea ang pinto. Walang ideya si Kael na ang babaing nakatayo sa harap niya ang mismong nagsunog ng kilay upang isulat ang bawat linyang hawak nito.
“Sige,” mahinahong wika ni Rhea, itinatago ang kaba sa kanyang dibdib. “Ako muna si Winona.”
Umupo sila sa carpeted na sahig ng sala, magkaharap sa ilalim ng dim light ng condo. Nagsimulang magbasa si Kael. Sa una ay matigas pa ang kanyang pag-arte, pilit at kabado. Ngunit nang umabot sila sa pinaka-climax ng eksena, unti-unting bumagal ang boses ng binata. Napakunot ang kanyang noo habang binabasa ang stage directions.
“(Lalapit si Kael, dahan-dahang hahaplusin ang pisngi ng dalaga bago ito titigan nang malalim),” basa ni Kael.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang script. Tinitigan niya si Rhea. Kusa niyang iniangat ang kanyang kamay at maingat na inipit ang ilang hibla ng buhok ni Rhea sa likod ng tainga nito—eksaktong ginagawa niya sa dalaga tuwing umaga bago ito pumasok sa opisina.
Napalunok si Rhea nang maramdaman ang init ng mga daliri ng binata sa kanyang pisngi.
Patuloy na binigkas ni Kael ang linya niya mula sa script, ngunit hindi na siya nakatingin sa papel. Nakatitig na siya nang deretso sa mga mata ni Rhea, “Hindi mo kailangang mag-alala. Kahit gaano pa karami ang nakatingin sa atin, ikaw lang ang nakikita ko.”
Tumahimik ang buong kuwarto. Ang kuryenteng dumaloy sa pagitan nila ay sapat na para magpatigil sa paghinga ni Rhea. Naisulat niya ang linyang iyon kaninang hapon habang umiiyak ang kanyang ego, ngunit iba pala ang pakiramdam kapag narinig mo na itong sabihin ng taong pinagmulan ng inspirasyon.
Napakurap si Kael at bahagyang ngumiti, tila may napagtanto. “Ang galing ng copywriter ninyo,” mahinang bulong ni Kael habang nananatiling magkalapit ang kanilang mga mukha.
Itutuloy
- Latest





















