Apoy sa Balsa (63)
MABIGAT ang pagkakapatong ng kamay ni Miss Agatha sa ibabaw ng glass table ng conference room.
Tinitigan niya si Rhea habang nakataas ang kilay, halatang hindi masaya sa nakikitang storyboard.
“Rhea, what is this?” pambungad ni Miss Agatha, sa na-pitch na aspirational restraint concept ni Rhea. “This is painfully dry. Mukhang promotional ad para sa funeral home! Nasaan ang kilig? Nasaan ang apoy na nagpa-viral sa kanilang dalawa noong isang araw?”
Napatitig si Rhea sa kanyang boss. Ang kanyang professional pride, ang pagiging perfectionist at workaholic na nagdala sa kaniya sa tuktok ng ahensiya, ay direktang tinamaan. Masakit para sa kanyang ego na matawag na boring o walang kuwenta ang kanyang gawa.
“Miss Agatha, I was considering brand safety—”
“I don’t care about two feet apart, Rhea!” mabilis na putol ni Miss Agatha. “Gusto ko ng totoong emosyon. I want magic. Redo the entire deck by 5:00 p.m., or I’ll assign this project to someone else.”
Bumalik si Rhea sa kanyang opisina at isinara ang pinto. Isinantabi niya ang selos, ang takot, at ang personal na usapin.
Hindi siya papayag na matawag na mahinang creative director ng kahit na sinuman.
Binuksan niya ang isang blankong file sa kanyang laptop. Huminga siya nang malalim, ipinikit ang kaniyang mga mata, at inalis si Winona sa isip.
Sa halip, inilagay ni Rhea ang sarili sa kuwento.
Inalala niya ang bawat lihim na minutong kasama si Kael. Ang paraan ng paghawak ng binata sa kanyang baywang, ang marahang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang noo tuwing madaling-araw, at ang matamis, tapat, at nakatutunaw na tingin nito na para lang sa kanya.
Inukit ni Rhea ang totoong pag-ibig sa bawat pahina ng script. Isinulat niya ang mga eksenang puno ng kuryente, mga pasimpleng hawak sa kamay, at ang titigan na halos magpatigil sa tibok ng puso.
Ibinuhos niya ang sariling kuwento sa storyline.
Itutuloy
- Latest
















