Tinanggap ang separation pay, hindi na ba maaring magreklamo?
Dear Attorney,
Mare-retrench po ako sa aking trabaho. Kung tatanggapin ko po ang separation pay, ibig po ba sabihin nito ay hindi na ako maaaring magsampa ng kasong illegal dismissal tungkol sa aking pagkakatanggal? —Merlie
Dear Merlie,
Hindi. Ang pagtanggap mo ng separation pay ay hindi dapat maging hadlang sa pagkuwestiyon mo sa iyong pagkakatanggal. Malinaw ito mula sa kasong Team Pacific Corporation v. Parente, (G.R. No. 206789, 15 July 2020) kung saan sinabi ng Korte Suprema na ang pagtanggap ng separation pay at maging ang pagpirma ng waiver at quitclaim ay hindi dapat maging balakid sa paghamon ng empleyado sa legalidad ng kanyang dismissal. Ayon sa Korte, ang mga manggagawa ay karaniwang dehado ang kalagayan at madalas ay wala silang ibang pagpipilian kundi tanggapin ang inaalok sa kanila dahil sa mga pangangailangang pinansyal.
Ito ang dahilan kung bakit hindi magagamit laban sa mga manggagawa ang pagtanggap nila ng anumang kabayaran mula sa employer lalo na kung ito ay mas mababa kaysa sa nararapat nilang matanggap, at hindi rin sila mapipigilan ng anumang pinirmahan nila sa pag-habol sa kanilang mga benepisyo. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga quitclaim ay karaniwang tinitingnan ng mga korte nang may pag-iingat dahil maaring kasangkapan lamang ito upang alisan ng benepisyo ang isang manggagawang napipilitan lamang dahil sa kagipitan.
May isa pang mahalagang punto na binanggit ang Korte Suprema sa kaso ng Team Pacific. Ayon sa nasabing kaso, ang paghahain ng kaso ng illegal dismissal ng isang empleyado ay sumasalungat sa anumang paratang na kusang-loob niyang tinanggap ang kanyang pagkakatanggal. Kaya masasabing ang pagsasampa ng reklamo ay isang malinaw na pagpapakita na walang intensyon ang empleyado na isuko ang kanyang trabaho at mga karapatan.
Kaya kung sa tingin mo, hindi wasto ang iyong retrenchment, halimbawa kung hindi naman talaga lugi ang kompanya o hindi sinunod ang proseso at pamantayan sa pagpili kung sino ang ire-retrench, hindi dapat maging hadlang ang pagtanggap ng separation pay na inaalok sa iyo sa pagsasampa mo ng illegal dismissal case.
- Latest


















