^

True Confessions

Apoy Sa Balsa (46)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Halos tatlong linggo na sina Rhea at Kael hindi nagkikita. Sa kabila ng mga palitan ng mga text at voice notes sa hatinggabi, pareho na silang naiinip sa matin­ding distansya sa isa’t-isa. Ang simpleng kagustuhan na makasama ang isa’t isa ay nagtulak sa kanila para magplano ng isang lihim na pagtatagpo.

Rhea: “Saan tayo? Delikado sa BGC o sa mga mall.” Kael: “Sunduin kita diyan mamayang hatinggabi. May alam akong maliit na paresan sa may Antipolo, kakaunti ang tao kapag alas-dos ng madaling araw.”

Bandang ala-una y medya ng madaling araw, bumaba si Rhea sa kaniyang condo. Suot niya ang isang simpleng hoodie at maong. Hindi nagtagal, pumasok ang isang brand-new na motor. Si Kael na may suot na full-face helmet na may dark visor. Nang itaas ni Kael ang kanyang visor, ang pamilyar na ngiti nito ang bumungad kay Rhea.

“Ang pogi ng bago kong motor ‘no?,” natatawang bulong ni Kael habang iniaabot ang extra helmet kay Rhea.

“Mas pogi ka pa rin,” sagot ni Rhea at pagkatapos ay isinuot nito ang helmet at yumakap nang mahigpit sa baywang ng binata habang umaandar ang motor patungo sa kalsada.

Sa pagdating sa isang kainan sa tabi ng kalsada sa Antipolo, pumuwesto sila sa pinakadulong mesa. Inalis ni Kael ang kanyang helmet ngunit pinalitan ito ng baseball cap at isinuot ang face mask sa ilalim ng kaniyang baba.

“Namiss ko ‘to,” marahang sabi ni Rhea habang tini­titigan ang binata. “‘Yung walang Ms. Agatha, walang Manager Frank, at walang billboard sa EDSA.”

Ngumiti si Kael, inabot ang kamay ni Rhea sa ilalim ng mesa at pinisil iyon. “Kahit araw-araw kitang dalhin dito, gagawin ko.”

Ngunit ang maikling kapayapaang iyon ay mabilis na nabulabog. Isang grupo ng mga kabataan na kagagaling lang sa gimikan ang pumasok sa kainan. Habang nag-o-order, napatingin ang isa sa kanila sa dulo ng silid. Na­ningkit ang mga mata nito habang nakatitig sa kay Kael.

“Tingnan mo ‘yung lalaking nakasuot ng cap,” bulong ng isa. “Si Hunky Burger Seller ‘yun, ‘di ba? Si Kael!”

Mabilis na nagpalitan ng tingin ang grupo. Inilabas ng dalawang babae ang kani-kanilang cell phone. Agad na naramdaman ni Kael ang mga matang nakatitig sa kanya.

(Itutuloy)

KAEL

RHEA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with