Apoy sa Balsa (42)
NAKATITIG si Kael sa semento ng rooftop. Ang bawat salita ni Rhea ay hindi pumatak bilang panunumbat, kundi bilang isang malalim at nakalilitong katanungan.
“Sa totoo lang, hindi ko ‘to gustong tanggapin.” marahang bulong ni Kael “Hindi ko naman ‘to pangarap. Tsaka hindi naman sa’kin bagay maging model o artista.” Natatawang pag-amin nito.
“At isa pa, ayaw kitang itago, at lalong ayaw kong maging dahilan ‘to para magkahiwalay tayo.”
Tinitigan siya ni Rhea. Sa kabila ng matitikas nitong balikat at maskuladong pangangatawan na kinahuhumalingan ngayon ng milyun-milyong tao sa internet, nakita ni Rhea ang totoong Kael—ang tahimik, mahiyain, at simpleng lalakeng takot na pumasok sa mundong hindi kanya.
Dahan-dahang humakbang palapit si Rhea. Inabot niya ang magkabilang kamay ni Kael at pinisil iyon nang mahigpit.
“Kael, makinig ka sa akin,” malumanay at may matatag na pananalita ni Rhea habang nakatitig sa mga mata ng binata. “Alam kong hindi mo ‘to hiniling. Pero dumating ang pagkakataong ito hindi para sirain tayo, kundi para mabago ang buhay mo. Huwag mong tatanggihan ang biyayang ‘to dahil lang sa takot mo—o dahil lang sa akin.”
“Pero Rhea—”
“Ako ang unang naniwala sa ‘yo,” putol ni Rhea, may tipid ngunit napakatamis na ngiti sa kanyang mga labi. “Nung messenger ka pa lang, nakita ko na kung gaano ka kasipag at katapat. At kung kailangang maging lihim mo ako pansamantala para makuha ang buhay na nararapat sa ‘yo at sa nanay mo… buong-puso kong tatanggapin ‘yon. Ako ang magiging pinakamalakas mong tagahanga mula sa gilid.”
Natigilan si Kael. Ang matinding pangamba sa kanyang dibdib ay pinalitan ng isang mas malalim na paghanga kay Rhea. Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang isang uri ng pag-ibig na hindi madamot, bagkus nagbibigay pa ng pakpak para siya umangat.
(Itutuloy)
- Latest















