Bolts mag-iingat sa Hotshots

MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na panalo ang target ng Meralco, habang ang makasampa sa win column ang hangad ng Barangay Ginebra sa PBA Season 50 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Lalabanan ng Bolts ang Magnolia Hotshots ngayon alas-5:15 ng hapon kasunod ang pagsagupa ng Gin Kings sa Blackwater Bossing sa alas-7:30 ng gabi.
Tabla sa second place sa Group B ang Meralco at Blackwater sa magkatulad nilang 2-1 record sa ilalim ng Phoenix (3-1) kasunod ang Rain or Shine (1-2), Ginebra -1) at Magnolia (0-2).
“You look at our group. Phoenix, Blackwater those guys you’d think they should be in the bottom of the standings but our group’s baliktad,” ani Bolts coach Luigi Trillo sa Fuel Masters at Bossing.
“They’re the ones leading now and… you’ve got good teams like Magnolia and Rain or Shine that are down and you know they’re better than their record stands,” dagdag pa ng one-time PBA champion mentor.
Ang unang panalo ang puntirya ng Hotshots ni coach LA Tenorio matapos ang 86-98 kabiguan sa Fuel Masters at 81-89 pagyukod sa Bossing.
Muling aasahan ng Meralco sina balik-import Antonio Hester, Chris Banchero, Chris Newsome, Cliff Hodge at CJ Cansino katapat sina reinforcement KJ Buffen, Ian Sangalang, Zav Lucero, Mark Barroca at Jerome Lastimosa ng Magnolia.
Samantala, determinado ang Gin Kings na makabangon mula sa 78-81 pagkatalo sa Fuel Masters kung saan nagposte si import Riley Grigsby ng 42 points, 13 rebounds at 2 blocks sa kanyang PBA debut.
“It was just basketball at the end of the day. I just had to come in and play my game. That’s what I tried to do,” sabi ng 26-anyos na si Grigsby na humalili kay injured resident import Justin Brownlee.
Nagmula ang Bossing sa 114-116 pagkulapso sa Bolts kung saan sila nakabangon mula sa isang 17-point deficit bago nagkaroon ng krusyal na turnover si guard RK Ilagan sa huli nilang posesyon.
- Latest
























