Problema sa PNVF mareresolbahan — POC

MANILA, Philippines — Inaasahang mareresolbahan na ang problema sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) matapos pumayag ang mga board members nito na kusang magbitiw.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino matapos ang isinagawang general assembly sa hanay ng mga volleyball stakeholders.
Nauna nang sinuspinde ng POC Executive Board ang PNVF matapos din itong patawan ng suspensyon ng FIVB, ang international governing body para sa volleyball, noong Mayo 29 dahil sa “serious governance concerns and multiple purported violations of the FIVB Code of Ethics.”
Dahil dito ang POC ang nagsilbing “caretaker” para sa mga aktibidad ng PNVF kasama ang paghahanda at paglahok ng Alas Pilipinas national men’s at women’s indoor at volleyball teams.
Sa pagpayag ng mga board members na magbitiw sa kanilang mga posisyon ay magkakaroon na ang PNVF ng bagong 13-member board.
Ang nasabing PNVF Board ay kabibilangan ng mga athlete representatives ng women’s beach volleyball at men’s volleyball at mga kinatawan mula sa UAAP at NCAA.
Inalis na rin ang posisyon ng chairman at sa halip ay magkakaroon ang POC ng silya sa PNVF Board, habang ang secretary-general ng volleyball federation ay iluluklok ng mahahalal na presidente.
“This is to introduce inclusivity and, more importantly, that the stakeholders prioritize the call of the national team,” ani Tolentino.
Inaprubahan na rin ang pag-amyenda sa PNVF Constitution at magpapatawag ang POC ng isa pang general assembly sa Agosto 10 para talakayin ang mga gagawing hakbang sa idaraos na eleksyon.
- Latest




















