Akbayan-SJDM, pinaaalis at pinagpapanagot PrimeWater
MANILA, Philippines — Nagsagawa ang Akbayan Party–San Jose del Monte City Division ng mapayapang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng PrimeWater upang igiit ang pagpapaalis sa kumpanya at panagutin ang mga responsable sa matagal nang problema sa serbisyo ng tubig sa lungsod.
Ang protesta ay bilang pakikiisa sa hayaan na ang lokal na pamahalaan ang humawak ng operasyon ng tubig at hindi na maibalik sa PrimeWater.
“Layunin ng pagkilos na ito na ipahayag ang matatag na paninindigan at pakikiisa ng Akbayan sa mamamayan ng San Jose del Monte na patuloy na nakararanas ng mga suliraning dulot ng kapalpakan sa serbisyo ng PrimeWater. Naninindigan ang partido na ang bawat mamamayan ay may karapatan sa sapat, ligtas, de-kalidad, at abot-kayang suplay ng tubig bilang isang pangunahing serbisyong pampubliko,” ani Akbayan-SJDM Division Chair Gery Bautista.
Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng grupo ang tuluyang pagpapaalis sa PrimeWater sa San Jose del Monte at ang pagbabalik ng makatarungan, responsable, at may pananagutang pangangasiwa sa serbisyo ng tubig.
Hinihiling din ng grupo na panagutin ang mga opisyal at iba pang responsable sa mga pagkukulang at kapabayaang nagdulot umano ng matinding paghihirap sa mga residente.
Nanawagan din ang Akbayan-SJDM para sa agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang tuluy-tuloy, ligtas, at maayos na suplay ng tubig sa lahat ng komunidad sa lungsod.
- Latest


















