Apoy sa Balsa (16)
Kinabahan si Rhea nang hindi niya mabuksan ang pinto. Agad niyang kinuha ang phone niya. No Signal.
“Walang signal dito, Ma’am,” mahinahong saad ni Kael. Lumapit ito at malakas na kumatok sa makapal na pinto. “Hoy! May tao rito! Pakibuksan!”
Walang sumasagot. Ang tanging maririnig lang ay ang mahinang ugong ng aircon duct sa itaas. Pagkaraan ng ilang minutong pagsubok, sumuko si Kael. Humilig ito sa pader, ilang dangkal lang ang layo kay Rhea, at tumingin sa kawalan.
Ang katahimikan sa loob ng maliit na espasyo ay naging suffocating. Bawat paghinga ni Kael, bawat galaw ng balikat nito, parang naririnig ni Rhea. Hindi na niya kaya ang ganito. Ang sikip sa bodega, ang sikip sa dibdib niya.
“Bakit mo ba ako tinatrato nang ganyan?” biglang basag ni Rhea sa katahimikan.
Hindi gumalaw si Kael. “Ano pong ibig ninyong sabihin, Mam?”
“’Yang ‘Mam’ na ’yan! ’Yang pag-iwas mo ng tingin!” Ramdam ni Rhea ang panginginig ng sarili niyang boses, dala ng frustration at guilt na isang linggo nang nakaimbak. “Simula nung sa Batangas, nung dumating si Marco, naging ganyan ka na. Org senior ko lang si Marco, Kael! Wala kaming nakaraan. At kahit meron man, wala akong ginagawang masama para iparamdam mo sa akin na may kasalanan ako sa’yo!”
Dito na lumingon si Kael. Ang pormal at blangkong mukha nito ay biglang napalitan ng isang emosyong matagal nitong ibinaon, galit, pait, at matinding selos. Humakbang si Kael palapit. Isa. Dalawa. Hanggang sa mapaatras si Rhea sa mga nakasalansang kahon, wala nang mapuntahan.
Bumaba ang tingin ni Kael sa kanya, ang mga mata nito ay madilim at gulo. Sa sobrang lapit nila, nararamdaman ni Rhea ang mabilis na tibok ng puso nito.
“Wala kang kasalanan, Rhea,” bulong ni Kael, ang boses ay gumaralgal, wala na ang pormalidad ng isang empleyado. “Ako ang may kasalanan. Ako ang tanga.”
Lumunok si Kael, pilit na nilalabanan ang sariling emosyon habang nakatitig sa mga mata ni Rhea.
“Kasi noong nasa motor tayo, noong nakayakap ka sa akin habang bumibiyahe tayo... nakalimutan ko kung saan ako lulugar. Nakalimutan kong tagahatid lang pala ako ng papel sa opisina mo, at ang mga katulad ni Marco ang para sa mundo mo.” (Itutuloy)
- Latest
















