Ateneo players nagsalita na!

MANILA, Philippines — Matapos ang ilang linggo na pananahimik, nagsalita na ang ilang players ng Ateneo Blue Eagles upang ilahad ang mga nangyari sa team building sa Aurora na ikinasawi nina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Lumutang sina Kieffer Alas at Sam Reyes sa podcast ni Pia Hontiveros kung saan nilinaw ng dalawa ang ilan sa mga naglabasang ulat.
Itinanggi ni Alas na initiation ang team building sa Aurora para sa mga rookie players ng Blue Eagles.
Sina Alas at Baterbonia ay parehong rookies ng Ateneo.
”No, not at all. It just hurts how people perceive it that way. I know my veterans wouldn’t even think of that. Nothing, they wouldn’t do that to me or in any other rookies. It’s hard to see it online,” ani Alas.
Ibinahagi naman ni Reyes na may pulso pa si Adili bago ito dalhin sa ospital.
“The only one that I heard has a pulse was Divine. I heard it from my other teammates. After what happened, we gathered at the pool and shared our perspectives and POVs,” ani Reyes.
Nakaramdam din si Reyes ng panghihinayang lalo pa’t posibleng natulungan nito si Baterbonia na mailigtas.
Ikinuwento ni Reyes na katabi nito si Baterbonia habang nasa water exercise ang Ateneo bago humampas ang malakas na alon.
“I feel guilt lang po. Rene was beside me and parang I felt na I could’ve done more na para hindi siya malunod. It was eating me alive,” ani Reyes.
Sa hiwalay na pagkakataon, nagbahagi rin ng kuwento ang iba pang players na sina Jared Bahay, Ian Espinosa at Andrew Bongo.
Sinabi ni Espinosa na nakita pa nito si Baterbonia na lumalangoy at humihingi ng tulong.
Binigyan nito ng payo si Baterbonia na tumalon lamang upang umangat sa tubig.
Nang umahon si Espinosa, hindi na nito muling nakita si Baterbonia na tuluyan nang tinangay ng malakas na alon.
“Nakita ko si Rene sa likod; nagbe-breaststroke siya tapos sumisigaw siya ng tulong. Sinabihan ko siya na, ‘Tumalon ka lang!’ Tapos nung kumuha ako ulit ng buwelo, pag-angat ko, ‘di ko na nakita si Rene,” ani Espinosa.
- Latest























