BI: Modernong ‘end-to-end’ border security system, panahon na
MANILA, Philippines — Iginiit ng Bureau of Immigration (BI) ang pangangailangan ng isang makabago at integrated na border security system upang mapalakas ang seguridad sa mga paliparan, pantalan, at border crossing stations sa bansa.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, layunin ng iminungkahing P10.74 bilyong Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) Project na gumamit ng artificial intelligence (AI), biometrics, electronic gates, at real-time data processing upang mas epektibong matukoy at mabantayan ang mga pasaherong posibleng sangkot sa krimen, human trafficking, at terorismo.
Sasaklaw ang proyekto sa 11 international airports, isang international seaport, at anim na border crossing stations. Mayroon din itong four-year technology refresh cycle upang matiyak na nananatiling moderno ang mga kagamitan.
Binigyang-diin ng BI na hindi ito magdudulot ng dagdag na pasanin sa gobyerno dahil ang mga gumagamit lamang ng serbisyo ang magbabayad sa ilalim ng user-fee system.
Sa kasalukuyan, sumasailalim pa sa pagsusuri ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang proyekto at wala pang pinal na kontrata o koleksiyong ipinatutupad.
- Latest





















