Ang Kapitbahay (123)
“Mukhang malalim ang iniisip mo Margie?” tanong ni Vince.
Hindi sumagot si Margie. Parang hindi narinig si Vince.
Inulit ni Vince ang tanong. Bahagyang nilakasan ang boses.
Saka lamang nakarinig si Margie.
“Ha? A oo. May iniisip lang ako, Vince.”
“Parang mabigat ang iniisip mo?”
“Ha? H-hindi n-naman.”
“Baka makatulong ako.”
“Okey lang. Kaya ko naman.”
“Parang hindi ko nakikita ang anak mong si Brenda. Parang nag-iisa ka yata?”
“Ha a e, kuwan, nagbabakasyon siya—nasa probinsiya.”
“A. Di ba ga-graduate siya?”
“Ha? A oo!”
Napansin ni Vince na tila hindi mapakali si Margie at tila umiiwas na matanong.
Hindi na nagtanong pa si Vince at ipinagpatuloy ang pagdidilig at pagwawalis sa mga tuyong dahon.
Nagtataka siya kung bakit tila problemado si Margie.
Kinabukasan, nakita na naman niyang tulala si Margie habang nasa may pintuan at may hinihintay. Wala naman siyang nakitang dumating.
Hindi rin naman niya makita si Brenda. Malaki ang hinala ni Vince na hindi nagbabakasyon si Brenda.
Isa pang napapansin ni Vince, hindi na rin niya nakikita ang pagdalaw ng kalaguyo nito na si Ram. Ilang linggo nang hindi niya ito nakikita.
Nakipaghiwalay na kaya si Margie sa kalaguyo? Humiwalay na siya dahil nabisto na ni Renan ang kataksilan nila ni Ram?
KINABUKASAN, hindi makapaniwala si Vince sa nalaman. Shock siya sa ipinagtapat ni Margie. Ito na mismo ang lumapit sa kanya at nangumpisal.
(Itutuloy)
- Latest
















