Ang Kapitbahay (115)
Kahit nakadama ng awa si Vince kay Renan, hindi pa rin niya itutuloy ang balak na isumbong si Margie sa ginagawa nitong panlalalaki. Mahirap kung sa kanya magsisimula ang lahat. Kahit pa sigurado siya na nanlalaki nga si Margie, hindi siya dapat makialam. Hayaan niyang si Renan ang makatuklas sa ginagawa ni Margie. Mag-oobserba na lamang siya sa mga mangyayari.
Pero paano kung isang araw ay bigla siyang tawagan ni Renan mula Saudi. Natatandaan niya, kinuha ni Renan ang cell phone number niya. Paano kung may itanong si Renan tungkol kay Margie? Paano kung may naaamoy na pala si Renan ukol sa asawa? Ano ang isasagot niya kay Renan?
Napabuntunghininga si Vince. Mahirap din pala na may maging kapitbahay na katulad ni Margie – maaring masangkot siya sa gulo.
Pero sa isang banda, nakonsensiya si Vince nang maalala na pati ang anak ni Renan na si Brenda ay pinaglalaruan din ni Ram—mag-ina ang tinuhog. At sa loob pa ng kanilang pamamahay nagaganap ang “paglalaro” at pagpugay sa dangal.
Ano kaya ang magandang gawin? Ano kaya ang mabuting paraan para maiparating kay Renan ang mga nangyayari sa sarili niyang pamamahay?
Nakokonsensiya si Vince lalo na’t kasangkot sa mga nangyayari ang batambatang si Brenda na maaring nabola ni Ram. Sa tingin niya, mukhang sanay “magpaikot” ng babae si Ram.
Sanay manglambutsing at mangumbinsi ng mga babae. Palibhasa ay bata pa si Brenda, natangay sa mga boladas ni Ram. Kung hindi mapipigilan ang paglalaro ni Ram kay Brenda, maaring masira ang kinabukasan ng tinedyer. At paano kung mabuntis ni Ram si Brenda? Lalong lulubha ang problema! Masisira ang buhay ni Brenda at maaring ang buong pamilya.
Kinabukasan, nakalimot si Vince na nagdilig ng halaman at huli na nang maisip na iniiwasan nga pala niya na makita siya ni Margie.
Huli na. Nakita siya ni Margie at tinawag.
“Vince!’’ (Itutuloy)
- Latest

















