Ang Kapitbahay (113)
TAMA kaya ang iniisip niya na isumbong si Margie kay Renan sa ginagawa nitong pakikipagrelasyon kay Ram? Tanong ni Vince sa sarili. Pati na rin ang ginagawa ni Ram na pakikipaglaro kay Brenda?
Nag-isip si Vince, hindi kaya magdulot ng gulo ang gagawin niya? Hindi kaya humantong sa madugong pangyayari ang balak niya? Baka mapatay ni Renan si Ram at Margie. Baka biglang dumating mula sa Saudi at pagbabarilin sina Margie at Ram—tulad ng napanood niyang balita sa TV. Baka isang araw ay makarinig na lamang siya ng mga putok ng baril mula sa kabilang bahay at saka tatambad ang walang buhay na sina Margie at Ram.
Nangilabot si Vince kahit imahinasyon lamang niya iyon. Puwede kasing mangyari iyon. Maaring humantong sa karumal-dumal na tagpo ang lahat kung susundin niya ang balak na pagsusumbong. Sa silakbo ng galit ni Renan, maaring mapatay ang asawa at kalaguyo nito.
Hindi siya dapat magpadalus-dalos sa pasya. Mag-oobserba muna siya sa ginagawa nina Margie at Ram. Kung kinakailangan na niyang gumawa ng hakbang, saka lamang siya kikilos. Kung tutuusin, hindi nga siya dapat makialam sa problema ng ibang tao. Hindi siya dapat manghimasok.
Natigil sa pag-iimadyin si Vince nang makita niyang lumabas ng pinto si Ram. Madali yata ngayon ang “session” ng dalawa? Mahigit isang oras lang? Kung hindi siya nagkakamali, dumating ng pasado alas otso ng umaga si Ram at ngayon ay mag-aalas-nuwebe pa lamang. Bakit kaya napakabilis ng pagniniig?
Baka maagang darating si Brenda?
O baka naman may pupuntahan si Ram?
Nagmamadali si Ram sa pag-alis.
Hindi naman lumabas ng bahay si Margie. Makalipas ang ilang minuto, may dumating na lalaki kina Margie. May bitbit na plastic bag.
(Itutuloy)
- Latest


















