Ang Kapitbahay (68)
NAGHINTAY si Vince sa paglabas ng lalaking bisita ng anak ni Margie. Ano kaya ang nangyayari sa loob ng bahay? Baka naman nagtuturuan ng lesson ang dalawa?
Makalipas ang dalawang oras, lumabas ang dalawa. Naka-uniporme na ang anak ni Margie. Papasok sila sa unibersidad. Pero walang uniporme ang lalaki. Baka sa ibang unibersidad nag-aaral ang lalaki.
Umalis na ang dalawa.
Kahit ilang minuto nang nakaalis ang dalawa, hindi pa rin maalis sa isipan ni Vince kung ano ang ginawa ng dalawa. Bakit ang tagal? Dalawang oras sa loob?
Maya-maya, nakita ni Vince na may tumigil na taxi sa tapat ng bahay ni Margie. Lumabas si Margie. Nakita niyang nagpaalam pa sa pamamagitan ng flying kiss si Margie sa nasa loob ng taxi. Nang umalis ang taxi, dali-daling binuksan ni Margie ang gate. Nagmamadaling pumasok. Sino kaya ang binigyan ng flying kiss?
KINABUKASAN, habang dinidilig ni Vince ang kanyang mga namumulaklak na tanim, tinawag siya ni Margie.
“May ibibigay akong ulam sa iyo mamaya, Vince. Kapalit ng ginisang corned beef.”
“Anong ulam?”
“Sotanghon soup na may chicken.”
“Talaga? Sarap niyan.”
“Para naman makabawi ako sa mga kabaitan mo sa akin.”
“Para yun lang.”
“Gusto ko namang matikman mo ang luto ko.”
Maya-maya, nakita ni Vince na paalis ang anak ni Margie. Naka-uniform ng asul at puti. Papasok sa school.
Nang makalabas, tinanong ni Vince si Margie kung ano ang name ng anak nito.
“Berna.”
(Itutuloy)
- Latest


















