Ang kapit bahay (30)
TINAPIK-TAPIK ni Vince ang nakayupyop sa mesa na si John. “John! John!”
Umungol si John.
May kaunti pang wisyo. Puwede pa niyang ipasok sa bahay nito.
Tinapik muli niya.
“John, ipapasok kita sa bahay mo. Halika na.”
“Puwedeh na ditoh akoh matulog hik!”
“Baka umulan. Halika aalalayan kita.”
Binuhat ni Vince. Ang kanang kamay ni John ay isinampay niya sa kanyang balikat. Itinayo niya dahan-dahan.
“Ipapasok na kita sa bahay mo, John.”
“Sigeh, hik! Sa sopah lang akoh!”
Binuksan ni Vince ang pinto. Ipinasok si John. Sa salas, ibinaba niya ang katawan ni John. Inayos niya ang pagkakahiga.
Tinapik niya ito. “John! John! Okey ka na. Aalis na ako.”
Pero hindi na sumagot si John. Tulog na tulog na.
Lumabas na si Vince matapos ikandado ang pinto.
KINABUKASAN, tinawagan niya si Teresa ang orig na asawa ni John.
“Narito siya sa inuupahang bahay, Teresa.”
“Salamat Vince.”
Itutuloy
- Latest




















