Bubot na Bayabas (149)
“ANONG nangyari Guava?” tanong ni Apol sa asawa. “Nanaginip ka ba?”
“Oo, Apol,’’ sagot ni Guava na parang noon lang nagkaroon ng wisyo. Tila hinahabol ang hininga.
“Gusto mo ng tubig?”
“Oo Apol.”
Kumuha ng tubig si Apol.
Uminom si Guava.
“Masama ba ang napanaginipan mo?”
“Hindi naman pero naguluhan ako.”
“Paanong naguluhan?”
“Ang babaing nagbigay sa akin ng tsinelas noong 13-anyos ako ay nagsalita na siya raw ang aking tunay na ina. Tapos, biglang nagpaalam. At habang papalayo ay kumakaway siya. Nakita ko na nalalaglag ang luha. Sa parting iyon naputol ang panaginip ko.”
“Baka ibig sabihin kaya nagbabay e tapos na rin ang pagpapakita sa’yo, Guava.”
“’Yun nga ang naisip ko Apol. Pero bakit siya lumuluha? May ibig kayang sabihin yun?”
“May dalawang dahilan naman kung bakit lumuluha—masaya o malungkot. Baka naiyak siya dahil sa katuwaan.”
“Baka nga, Apol.”
“At napansin mo, Guava, parehong nagpaalam ang dalagita at ang babaing nagbigay ng tsinelas.”
“Oo nga Apol.”
“Malaki ang paniwala ko, tapos na ang mga ‘misteryo’. At ang pagbunga muli ng bayabas, magandang signs di ba?”
Tumango si Guava.
(Itutuloy)
- Latest
















