Bubot na Bayabas (143)
“TITINGNAN ko sa cabinet ang tsinelas,’’ sabi ni Guava at tumayo. Tinungo ang kinaroroonan ng cabinet na kinalalagyan ng tsinelas.
Binuksan.
Ganoon na lamang ang pagkagulat niya dahil wala ang tsinelas!
Hinanap niyang mabuti. Baka napasiksik lamang sa dulo ng cabinet kasama ng iba pa niyang sapatos.
Pero wala talaga!
Nasaan ‘yun?
Hindi niya maalala kung kailan huling binuksan ang cabinet.
Hindi kaya noon pa nawala ang tsinelas? Hindi lang niya alam dahil naging abala siya at hindi na nainspeksiyon ang cabinet.
Nagbalik siya sa salas.
“Nakita mo ang tsinelas?” tanong ni Apol.
“Wala sa cabinet!”
“Nawala na naman? Di ba nawala na yan dati pa?”
“Oo. Tapos ikaw ang nakakita sa bakuran mo.”
“Palagay ko, kinuha ng dalagita kaya siya dumaan dito.”
“Pero wala siyang suot na tsinelas.”
“Dinaya ka lang ng paningin mo, Guava.”
“Pero sigurado ako na wala siyang suot sa paa.”
“Sabagay ganyan din ang sinabi sa akin ni Manang—wala ring suot sa paa ang dalagita.”
“Kung hindi sana blanko ang kinuha kong picture, nalaman sana natin ang totoo.”
“Oo nga.”
“Ano pa kaya ang susunod Apol?”
“Baka wala na. Umalis na ang dalagita at wala na rin ang tsinelas.”
“Baka ang babae naman na nagpakita sa akin sa panaginip?”
“Palagay ko hindi na magpapakita yun. Kaya dapat na talagang magpakasal na tayo.” (Itutuloy)
- Latest


















