Hiyasmin (327)
“TOTOO nga bang nasubaybayan mo ang mga huling bahagi ng buhay ng kapatid kong si Rashid, Siony?” tanong ni Mary na halatang sabik na sabik na sa bibig mismo ni Siony manggaling ang mga nangyari.
“Oo, Mary nasubaybayan ko. Sa totoo lang, naawa ako kay Rashid sapagkat nahalata ko na wala siyang mapaghingahan ng mga nasa loob niya. Sa tingin ko, depressed na depressed siya.”
“Tumawag siya sa akin dito sa U.S. pero nang mga sumunod ay hindi na. Tinatawagan ko siya pero hindi sumasagot. Ilang beses akong nag-try pero walang sagot. Hanggang sa makaabot sa akin ang balita na nasunog ang aming bahay.”
“Nasaksihan ko ang sunog, Mary. Iglap lang at natupok ang inyong bahay. Nagkataon na may sandstorm ng gabing iyon kaya mabilis kumalat ang apoy. Nagdatingan ang mga bumbero pero tupok na ang inyong bahay. Nalungkot din ako sa pangyayari, Mary. Noon kasi, alam ko nang may relasyon sina Lira at Rashid. Alam ko rin na talagang nagmamahalan sila. Masakit sa loob ko ang nangyari kay Rashid.”
Hindi makapagsalita si Mary. Halatang apektado sa mga sinabi ni Siony.
Makalipas ang ilang sandali ay nagsalita na si Mary.
“Nang magtungo ako sa Kuwait pagkararang mangyari ang trahedya, nakita mo ba ako, Siony?”
“Oo nakita kita. Pero hindi na ako nagpakilala sa iyo dahil alam ko masama ang loob mo. Isa pa, nagmamadali kang umalis noon.”
“Oo. Nagalit kasi sa akin ang mga kaanak ng parents ko—wala raw akong pakialam sa sinapit. Pero kung alam lang nila na labis ang kalungkutang nadama ko dahil nag-iisa na ako.”
Itutuloy
- Latest



















