Hiyasmin (69)
“ANONG sasabihin mo kay Hiyasmin, Nanay?’’ tanong ni Dax makaraang makalayo si Hiyasmin.
“Sasabihin ko na bababaan mo ang renta.’’
“Ako na ang magsasabi Nanay.’’
“Ako na. Alam ko mahiyain ka.’’
“Ako na nga lang Nanay.’’
“Bakit ba ayaw mong sabihin ko kay Hiyasmin na bababaan ang renta niya.’’
“Ako na nga ang magsasabi. Baka kung ano ang masabi mo sa kanya.’’
“Anong akala mo sa akin, ulyanin?’’
“Hindi naman Nanay pero mas maganda ako na ang magsabi sa kanya para mas malinaw.’’
“Ah hindi basta sasabihin ko sa kanya ang pasya mo.”
Napailing-iling na lang si Dax.
Tumayo ang nanay niya at nagtungo sa kusina.
Inabutan na naghuhugas ng pinggan si Hiyasmin.
“Baka mapasma ang kamay mo, Hiyasmin. Ako na lang ang maghuhugas niyan.’’
“Tapos na po Nanay.’’
“Halika maupo ka muna at may sasabihin ako sa’yo.’’
Naupo si Hiyasmin sa silya. Naupo rin ang nanay ni Dax.
“Sabi ni Dax, hindi ka na mamahalan sa upa mo rito sa bahay. Ako ang nagsuhestiyon sa kanya. Sabi ko, ikaw ang nagluluto at naghuhugas ng pinggan at kung anu-ano pa kaya dapat bawasan ang ibinabayad mong renta.’’
Hindi nakapagsalita si Hiyasmin. Yun pala ang good news na sinasabi ng matanda kanina.
“Salamat po, Nanay. Pero baka naman malugi si Sir Dax. Kawawa naman siya kung mababawasan ang kinikita niya.’’
“Okey lang yun, Hiyasmin. Maraming pera yang si Dax.”
“Baka naman po sumama ang loob sa akin ni Sir Dax?’’
“Hindi!’’
“Salamat po Nanay.’’
“Basta maliit na lang ang iuupa mo rito. Kapag hindi binabaan ni Dax e sabihin mo sa akin at ako ang kakausap.’’
Tumango si Hiyasmin.
Itutuloy
- Latest