Huling Eba sa Paraiso (167)
“Bakit Drew? Anong nakita mo sa palad ko?’’ tanong ni Marianne.
“Nasa guhit ng palad mo na yayaman ka, Marianne!’’
“Paano mo nalaman?’’
“Marunong akong bumasa ng guhit sa palad. ‘Yang guhit sa palad mo, bihira lang ang may ganyan. Baka 1 is to 100. Masuwerte ka, Marianne.’’
“Paano mo nalaman? Nag-aral ka ba ng palmistry o pagbasa sa palad.’’
“Hindi. Pero ang mommy ko, marunong. Dati kasi siyang propesor sa unibersidad noong nabubuhay pa. Marami siyang libro sa palmistry at numbers at nabasa ko ang mga iyon. Isa nga sa nabasa ko ay ang mga guhit ng palad na masuwerte—gaya ng sa iyo.’’
“Ano ang sinasabi ng palad ko?’’
“Uunlad ka at sasagana. Lahat nang pagsisikap mo at pagtitiyaga ay may kapalit na biyaya.’’
“E di ba talaga namang ganun ang karaniwang nangyayari. Kapag masipag at matiyaga ang isang tao, giginhawa ang buhay.’’
“Oo. Pero sa kaso mo, walang tigil ang pagbuhos ng biyaya. Bawat hawakan mo o gamitan mo ng kamay, bumubukal ang pera. Ganyan ang nakasaad sa guhit ng palad mo.’’
“Para akong si Haring Midas na may golden touch?’’
“Parang ganun. Kaya ‘yung mga bunga ng tinanim mo, naibenta mo lahat nang walang anuman. Naging pera lahat.’’
Hindi pa rin makapaniwala si Marianne.
“Totoo ba Drew? Binibiro mo lang yata ako.’’
“Totoo. Masusubukan natin ‘yan kapag nag-ani tayo ng mais bukas. ‘Di ba ikaw din halos ang may tanim ng mais na aanihin natin. Tingnan natin bukas kapa nag-ani tayo.’’
“Hindi ako makapaniwala Drew.’’
“Maniwala ka.’’
“Kasi para lang namang karaniwan ang pagtatanim ko. Wala akong ibang ginagawa.’’
‘‘Kasi nga dahil diyan sa kakaibang guhit ng palad mo.’’ (Itutuloy)
- Latest