Huling Eba sa Paraiso (162)
“Tamang-tama, Marianne!’’ nasabi ni Drew nang marinig kay Marianne ang salitang paraiso.
‘‘Anong tamang-tama, Drew?’’
“Di ba sabi mo parang paraiso na itong lugar na ito dahil sa rami ng mga nakatanim na puno at iba pang namumunga? Ikaw ang tamang-tama Eba sa paraisong ito.’’
“Korni naman!’’
“Ayaw mo? Eba ka sa paraisong ito?’’
‘‘Hmmm, puwede kaya lang gusto ko ay may kasama..’’
“Kasama? Anong kasama?’’
“Si Adan? Gusto ko ay kasama si Adan. Hindi kumpleto ang paraiso kapag wala si Adan.’’
‘‘Oo nga ano? Pero sino naman ang Adan?’’
“E di ikaw, sino pa?’’
‘‘Bagay ba akong Adan, Marianne?’’
“Oo naman.’’
“Hindi ba ako ‘yung ahas na nanunukso kay Eba?’’
“Hindi ka naman mukhang ahas.’’
“Talaga?’’
“Oo ang guwapo mo naman para maging ahas.’’
“Salamat. Tatandaan ko ang sinabi mong yan.’’
“Oo, Mr. Guwapo.’’
“Pero teka di ba sina Adan at Eba ay walang saplot noong nasa paraiso. Dapat ay wala rin tayong…’’
“Hep! Hep! Alam ko ang iniisip mo. Censor ‘yan. Bawal ‘yan.’’
“Hindi pa ako tapos. Ang ibig kong sabihin dapat wala rin tayong takot na maghanap ng damit na isusuot, ha-ha-ha!’’
“Ay ang korni talaga, ha-ha-ha!’’
Marami pang masasa’yang tagpo sina Drew at Marianne habang pinagmamasdan ang paraisong lugar na pinagtulungan at pinaghirapan nilang gawin.
ISANG araw, hindi inaasahan nina Drew at Mariannne ang pagdating ng isang espesyal na bisita—si Luke.
“Kumusta kayo, Drew, Marianne?’’ bati ni Luke at mahigpit na niyakap sina Drew at Marianne.
“Mabuti Luke. Salamat at dumalaw ka. Hindi namin inaasahan ito.’’
“Nagretiro na ako sa pulisya, Drew.’’
“Talaga? Bakit ang aga yata?’’
“Magma-migrate na kami sa Canada. Dun na kami maninirahan ng aking mapapangasawa!’’ (Itutuloy)
- Latest