Monay (210)
Pagkatapos ng masayang reception ng kanilang kasal, sa lumang bahay umuwi sina Joem at Monay. Iyon ang hiling ni Monay kay Joem, bago sila ikasal. Sa halip na sa suite ng 5-star hotel o sa labas ng bansa magtungo, sa simpleng bahay sila umuwi.
“Narito na tayo sa ating palasyo, Reyna Monay.’’
Nagtawa si Monay.
“Ang sagwa namang pakinggan ng Reyna Monay, ha-ha-ha!’’
“Okey naman ah. Ikaw ang reyna ng maliit na palasyo.’’
“Okey. Ikaw naman ang hari – Haring Joem.’’
“Bagay.’’
Pumasok sila sa loob.
‘‘Bakit ba gusto mo na dito tayo tumira? Puwede naman tayo sa Ayala-Alabang o Corinthian.’’
‘‘Gusto ko nga sa simpleng bahay na simple ang kapaligiran. Gusto ko dito tayo bumuo ng pamilya.’’
“Masusunod po mahal na Reyna Monay. Umpisahan na natin ang pagbuo ng pamilya.’’
“Huwag ka namang atat at pareho pa tayo pagod. Magpahinga muna tayo.’’
“Ikaw ang masusunod mahal na Reyna. Ihahanda ko na ang tutulugan mo.’’
“Sige mahal na Hari. At pagkatapos mong ayusin ang aking higaan, magluto ka ng fishball na may masarap na sawsawan. ’’
“Masusunod po.’’
At pagkatapos ay sabay silang nagtawanan.
‘‘Talaga bang desidido ka nang dito tayo tumira, Monay.’’
“Oo.’’
‘‘Kaya mo kahit walang maid?’’
“Oo naman, kayang-kaya kong gumawa. Sa State, walang maid ang mga Pinoy dun. Kanya-kanyang kayod dun kaya sanay ako. Natuto akong magluto, maglaba, maglinis ng bahay at iba pa.’’
“Hindi yata kita matitiis na ikaw ang gagawa lahat dito.’’
“Kaya ko naman. Don’t worry, Joem.’’
“Inaalala ko kasi na baka mahirapan ka lalo sa paglalaba.’’
“May washing machine naman. Hindi ka dapat mag-alala sa akin, mahal na Hari. Kayang-kaya ng Reyna.’’
“Okey kung ‘yan ang gusto mo e di sunud-sunuran ako.’’
“Salamat mahal kong Hari.’’
“Halika magpahinga na tayo, mahal na Reyna.’’
(Itutuloy)
- Latest