Monay (142)
Dumating ang kinatatakutang araw ni Joem. Iyon ang ikalawang pinakamalungkot na araw para sa kanya – una ay nang mamatay ang kanyang mama at ngayon ang pinakamamahal niyang asawa.
Dumaing si Cath sa kanya dakong ala-una ng hapon. Nahihirapang huminga. Nakaupo siya sa tabi ni Cath. Doon na siya natutulog para sa isang kilos ni Cath ay agad siyang magigising. Ayaw na niyang iwan ang asawa sapagkat ‘yun ang ika-anim na buwan na sinabi ng doktor na itatagal ng buhay ng kanyang asawa.
Bukod sa hindi makahinga, dumaing si Cath na maalinsangan. Nagtataka siya sapagkat normal naman ang temperature sa kuwarto. Nalalamigan pa nga siya.
Hinawakan niya ang kanang palad ng asawa. Mainit. Kakaibang init.
‘‘J-Joem, p-pakiramdam k-ko hindi na ako t-tatagal. N-nahihirapan na ako..’’ sabi ni Cath na halos pabulong.
‘‘Lakasan mo ang loob, Cath. ‘Di ba sabi mo, makakaya mo ang lahat. ‘Di ba hindi mo ako iiwan?’’
‘‘H-hindi k-ko na kaya, Hon. S-sumusuko na ang k-katawan ko.’’
Pinisil ni Joem ang palad ng asawa. Mainit pa rin.
‘‘Huwag mo akong iwan, Cath.’’
‘‘Hindi ko na kaya, Hon…’’ sabi ni Cath na tila nauupos na kandila.
Niyakap ni Joem ang asawa.
‘‘Cath…’’
Nasa ganoon silang sitwasyon nang pumasok ang doktor.
‘‘Doc ang asawa ko!’’
Inalam ng doktor ang lagay ni Cath. Pinulsuhan.
Hanggang sa napailing-iling ang doctor.
Wala na si Cath!
Tinapik-tapik ng doktor sa balikat si Joem.
Niyakap ni Joem ang asawa! Hinalikan nang matagal. At saka umiyak nang umiyak!
‘‘Cathh! Cathhhh!’’
(Itutuloy)
- Latest